Abante Tonite Interactive

BI binalewala ang warning ni Esperon sa paglobo ng Chinese

386

Sa gitna ng mga pangamba hinggil sa pagdagsa ng mga Chinese sa Pilipinas, tinuturing naman ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na “just a trend” lang ito.

“The Chinese tourism boom has brought a lot of Chinese tourists to our shores, the same can be said for other countries with popular tourist destinations,” ani Morente.

Gusto rin aniya ng Department of Tourism ang malaking tourism market na dinudulot nito sa ating bansa.

Tungkol sa pagdagsa ng mga manggagawang Chinese sa Pilipinas, sinabi ni Morente na ito’y dahilan sa lumalagong online gaming industry sa bansa.
Nangyari na rin anya ito noong biglang dumami ang mga Koreano nang mag-boom ang mga English language institution sa bansa.

Una nang nagpahayag ng pa­ngamba si National Security Advi­ser Hermogenes Esperon sa pagdagsa ng mga Chinese sa bansa dahil sa posibleng maging banta ito sa national security.

Sinabi pa ni Esperon na kanyang tatanungin ang BI kung bakit biglang dumagsa ang mga Chinese gayong sa pagkakaalam niya ay mahigpit ang ahensya sa mga dayuhang pumapasok sa Pilipinas.

Dahil sa ipinahayag na pangamba ni Esperon, iminungkahi ni Fo­reign Affairs Secretary Teo­doro Locsin Jr. na alisin ang pribilehiyo sa mga turistang Chinese na binibigyan agad ng visa pagdating sa Pi­lipinas.

Sabi ni Locsin, dapat sumailalim muna sa masusing pagkilatis ang mga dayuhan bago mabigyan ng visa.

Tiniyak naman ni Morente na dumadaan sa masusing screening ng BI bago magbigay ng visa upon arrival (VUA) sa mga Chinese.

Sinabi pa nito na ipinatupad ng BI ang VUA program batay sa 2017 circular ng Department of Justice na nag-uutos na pagkalooban ng VUA ang mga Chinese.

Sa datos ng BI noong Hunyo, nasa 6,000 na ang kanilang nabigyan ng VUA pero limang porsiyento lang umano ito sa kabuuang bilang ng mga Chinese na dumating sa bansa. (PNA)