Abante Tonite Interactive

BI pugad ng korapsyon

268

Nagpiyesta na naman ang mga kurakot sa Bureau of Immigration (BI).

Isa na namang bagong raket ang nabu­king sa Senate probe kung saan ibinunyag ni Senador Risa Hontiveros ang “pastillas” mo­ney-making scheme kung saan ang mga Chinese national na nagnanais magtrabaho sa Philippine Online Gaming Operator (POGO) ay nagbabayad ng P10,000 “escort fee” sa mga immigration officer para madaling makapasok sa Pilipinas.

Tiba-tiba sila sa ope­rasyon na ito lalo na’t dumagsa ang milyong mga Chinese sa Pilipinas dahil sa paglago ng industriya ng POGO. Nitong nagdaang taon, 1.8 milyon ang dumating sa bansa at kung susumahin, posibleng umabot na sa P10 bilyon ang kickback ng mga sindikato sa BI sa raket na ito.

Kapal din talaga ng apog ng mga tiwaling tauhan ng BI (kasama na diyan ang mga dating BI personnel na nasa likod ng raket na ito) na sobrang lakas na talaga ng loob na gumawa na kalokohan sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Buti na lang, ilang araw matapos mabu­king ang “pastillas” modus, sinibak ang mga BI personnel na sangkot sa nasabing scheme. Iyon nga lang, baka iyong mga nasa front office lang ang sinibak at hindi iyong pinaka-utak ng operasyon.

Itong bagong raket sa BI ay hindi na bago. Ang latest na alegasyon na ito ng korapsiyon sa BI ay pang-apat na insidente sapol noong 2016.

Naalala kong noong 17th Congress, nag-imbestiga si Sen. Joel Villanueva sa pagdagsa ng mga illegal foreign worker na nagresulta sa pag-aresto kina dating BI deputy commissioner Al Argosino at Michael Robles, na inakusahang nangikil at tumanggap ng P50M mula sa casino operator na si Jack Lam.

Kinasuhan pa nga sa Sandiganbayan sina Argosino at Robles at sa ngayon ay tuloy pa rin ang paglilitis sa kanila.

Bukod diyan, nadiskubre rin ng Senado ang isa pang raket sa BI satellite office sa Taguig City kung saan nanghihingi ang mga immigration staff ng P5,000 para mapabilis ang proseso ng kanilang special working permit (SWP).

Noon namang Hulyo, 2019, may ulat na ilang immigration agent ang nagpapatakbo ng escort service para sa mga illegal foreign worker.

Sa modus na ito, sinusundo ng BI agent ang mga dayuhan na diumano’y nagpaplano na manatili sa bansa para magtrabaho sa mga POGO at hanggang nga­yon ay nagpapatuloy ito.

Ang lahat ng modus na ito ay nangyari ng magkaroon ng POGO sa bansa.

Nagsimula ito noong 2016 at nga­yon maglilimang taon na sila rito. Growing daw ang industry pero parang hindi naman nakikinabang ang bansa.

Perwisyo nga ang dulot ng paglago ng POGO industry dahil sa lumutang naman ang iba’t ibang krimen ng kinasasangkutan ng mga Chinese, tulad ng kidnapping sa kapwa nila Chinese.

Lumala rin ang kaso ng human trafficking na kagagawan din ng mga Chinese mafia, gayundin ang prostitusyon na karamihan sa mga siniserbisyuhan ay mga parokyano ng POGO. Bukod pa ‘yan sa mga illegal POGO na nag-o-o­perate sa bansa.

Kaya nga mungkahi ng mga ilan, suspindehin na lang ang POGO dahil sakit lang ito ng ulo ng pamahalaan. Hindi sila nakakatulong, nakakaperwisyo kung tutuusin. Iba ang ugali ng mga Chinese, sobrang bastos at hindi lang ‘yan, binabastos ang ating batas bukod sa hindi pa talaga sila nagbabayad ng tamang buwis.

Mukhang inutil din ang ilang ahensiya ng gobyerno partikular ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) dahil hindi ma-regulate ang mga POGO na ito. Tutal hindi naman nakakatulong para makalikha ng trabaho sa mga Pilipino kaya ano pa ang saysay ng pananatili nila rito.

Ginawa na tayong casino ng China, sila ang nakikinabang nang husto at hindi ang ating ba­yan. Hindi na naman malaking kawalan sa Pi­lipinas ang POGO industry kaya mabuting ipa­sara na ang mga ito. Ano sa tingin ninyo?