Abante Tonite Interactive

BI sa mga OFW: ‘Wag magpaloko sa pekeng trabaho sa abroad

227

Patuloy ang paalala ng Bureau of Immigration (BI) sa overseas Filipino workers (OFWs) na huwag patulan ang illegal tour ope­rators at travel agencies laban sa paggamit ng kanilang mga kompanya bilang front sa pagpapadala ng mga hindi dokumentadong OFWs sa ibang bansa.

Ang babala ay inilabas ni BI Commissioner Jaime Mo­rente matapos maharang ang dalawang Pinay na ni-recruit ng isang travel agency upang magtrabaho sa Qatar, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Morente, ang travel agencies na nagpapadala ng mga Pilipino na nagpapanggap bilang turista upang magtrabaho sa ibang bansa ay papanagutin sa paglabag sa batas dahil sa hindi sila awtorisado at lisensiyado na mangalap at magpadala ng mga manggagawa sa abroad.

Nabatid na ang dalawang Pinay ay pinigil noong Sabado ng mga miyembro ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) ng bureau sa NAIA Terminal 3.

Ang dalawa ay may inis­yal na flight papuntang Bangkok, Thailand kung saan tinuruan sila ng kanilang recruiter na maghintay ng kanilang working visas at job contracts bago pumunta sa kanilang pinal na destinasyon sa Doha, Qatar. (Mina Aquino)