Abante Tonite Interactive

Bias o katangahan?

122

Hindi kasalanan kung sino ang sinasamba, depende sa pinaniniwalaang relihiyon o sekta; hindi rin ipinagbabawal ang magmahal hangga’t walang nasasagasaan at nilalabag na panuntunan; hindi rin masama ang mag-idolo ng artista subalit malaking kabalbalan ang magpakita ng pagiging bias sa mga inaarestong suspek o kriminal.

Pansinin ang litratong kumalat sa social media, nagawa pang magpa-picture ng mga pulis kay Mark Anthony Fernandez sa labas ng kulungan; kung iba ang naaresto; ipagpalagay nating tambay o taong-grasa, masisikmura kayang magpalitrato at makisiksik para maakbayan ang mga ito?

Positibo man sa marijuana o hindi si Mark, ito’y labas sa isyung nais puntuhan ng mga kurimaw; gusto lamang ituwid ang kabalbalan ng ilang kapulisan; kung bakit hindi magawang pigilan ang paghanga sa dating miyembro ng ‘Guwapings’ gayong meron propesyong dapat pinuprotektahan.

Maliban sa propesyong dapat magsilbing ehemplo sa mata ng publiko, hindi magandang senyales ang ganitong mga eksena kapag meron naarestong suspek, mayaman man o mahirap; sikat man o palaboy sa lansangan; paano kung meron pang mas sikat kay Mark o milyonaryong maaresto — baka hindi lang selfie o photo ops ang gawin ng mga ito?

Maaaring walang batas na nilalabag ang mga pulis na nagpalitrato at nag-selfie kay Mark subalit merong delicadeza na dapat isinaalang-alang ang mga tauhan ni Philippine­ National Police (PNP) chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa; nawa’y pinaiiral ang kahit konting kahihiyan upang hindi malagay sa alanganin ang kanilang opisina, mapa-general headquarters o kaliit-liitang presinto sa malayong probinsiya.

Maliban sa kaso ni Mark, naging laman din ng social media ang tratong ipinagkaloob kay Albuera Mayor Espinosa; hindi ba’t pinatira pa ni Del Rosa sa ‘White House’; pagkatapos magpasarap sa mansion, ito’y malayang nakauwi sa kanyang bayan kaya’t naikumpara sa mga ‘nayari’ ng Oplan Tokhang na itinutumba o kaya’y kinakaladkad papasok ng kulungan.

Umani ng pagbatikos ang naging aksyon ni Dela Rosa; mapa-mainstream o social media; aminin o hindi, napaso ang heneral kaya’t kaagad pinalayas sa White House si Espinosa; at ngayo’y meron panibagong pagbatikos sa social media dahil sa tratong ipinagkaloob kay Mark.

Sa panahong namamayagpag ang social media, higit dapat pang maging maingat ang kapulisan sa bawat aksyon o galaw dahil maaaring makasira at makabawas sa magandang programa ng PNP kontra illegal drugs. Hindi rin masisisi ang mga ordinaryong indibidwal na nakakasuhan sa illegal drugs na umangal kung ganito ang makikita sa ibang kulungan.

Kung merong paglabag si Mark, ito’y kasuhan at idaan sa tamang proseso; hindi dapat tinitingnan dahil sikat kaya’t nabibigyan ng special treatment ng ilang kapulisan na imposibleng namang pagbigyan dahil wala sa karakter ni Dela Rosa ang ganitong sistema.

Hindi malaman ng mga kurimaw kung sadyang makakalimutin ang ilang kapulisan; nagiging bias nga ba dahil ‘iba ang tinitingnan sa tinatanaw’ o nadadala lamang sa bugso ng emosyon kaya’t nagkakamali sa tuwing may nakikitang sikat na nakakasalamuha.

Hindi lingid sa kaalaman ng mga taong-gobyerno; mapa-ordinaryong kawani o opisyal sa alinmang ahensiya at departamento — walang karapatang magkamali sa bawat aksyon dahil sila’y hinasa na humawak sa ganitong sitwasyon — ang paghihiwalay sa personal na paniniwala sa buhay at sinumpaang propesyon nito.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)