Abante Tonite Interactive

Bibili ng 3rd floor ng isang bahay

626

Atty. Claire Castro

Dear Atty. Claire,
Mapagpalang araw po sa inyo at sa lahat ng mga tagasubaybay sa inyong nakatutulong na kolum.

Ako po ay isang manggagawa dito sa Dubai, at may nais magbenta sa amin ng bahay sa ika-3 palapag (3rd Floor). Sa ngayon po ay may Land Title ang lupa at napagkasunduan ng magulang at mga anak na ibenta ang 3rd floor ng kanilang bahay.

Matanong ko po sa inyo na wala po ba kaming kinakaharap na magiging problema sa darating na araw, at ano po ba ang proseso para magkaroon ng katibayan na sakaling maisangla ang lupa sa iba ay magkakaroon pa din kami ng karapatan sa aming bahay sa ikatlong palapag?
Pagpalain po kayo.

Lubos na tagasubaybay,
Ruel

Mr. Ruel,
Hindi ako masyadong sang-ayon sa plano na ang 3rd floor lamang ang ibenta sa iyo dahil hindi ka magkakaroon ng sarili mong titulo sa nasabing ari-arian. Hindi ka rin naman magkakaroon ng sarili mong Real Property Tax Declaration para idepensa ang iyong karapatan sa third floor ng bahay.

Kapag ang lupa ay isasanla ay tiyak na makakasama ang parte mo dahil ang pagsanla ng lupa ay kadalasan nasasama ang building. Kung sakali na mapasubasta ang lupa dahil hindi nabayaran ang utang ay tiyak na mapapaalis ka rin sa lupa at ang building ay maaaring ipa-demolish lamang ng bagong may-ari ng lupa.

Maghanap na ­lamang ng ibang ari-arian na may titulo upang hindi ka matakot sa susunod na mga panahon at sigurado pa na maaari mong mapamana sa iyong mahal sa buhay.

Pag-isipan ang pagbili sa parte ng bahay.

***
Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.