Abante Tonite Interactive

Bicol blackout kay ‘Tisoy’

0 194

Inihayag kahapon ng Department of Energy (DOE) na bagsak ang suplay ng kuryente sa Bicol Region at sa iba pang lalawigan ng Southern Luzon dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Tisoy’ na nagresulta sa pagkawala ng operasyon ng 19 na planta ng kuryente at 29 na transmission line.

Itinaas naman ng DOE ang full alert status at pinakilos ang Task Force on E­nergy Resiliency (TFER) para gumawa ng agarang solusyon sa problema sa ener­hiya sa iba’t ibang probinsya.

Batay sa ulat ng National Power Corporation (NPC), 19 na diesel power plant at power barge ang hindi makapag-operate sa mga probinsya ng Mindoro, Romblon, Marinduque, Quezon, Aurora at Isabela.

Iniulat naman ng National Grid Corporation of the Philippines na 29 na transmission line ang naputol ang ope­rasyon habang 10 naman sa Visayas Region.

Ang mga apektadong lugar ay ang ilang bahagi ng Quezon, Batangas, Naga City, Legazpi City, Albay, Sorsogon, Camarines Norte, Samar at Ormoc.

Nabatid din na wala ring kuryente sa ilang lugar sa Catanduanes, Masbate at maging sa Apayao at Abra.

Nabatid din buhat sa DOE-Oil Industry Management Bureau sa ginawa nilang imbentaryo na may 10 araw pang suplay ng petrolyo sa Bicol Region, 12 araw na oil depot supply sa Mimaropa, habang ang Region IV-A ay may 100 araw na suplay ng petrolyo.

Tiniyak naman ng DOE kasama ang kanilang mga ahensiya na ginagawa nila ang lahat ng paraan para mabawasan ang epekto ng bagyong ‘Tisoy’ at maibalik sa normal ang suplay ng kuryente sa lahat ng lugar. (Armida Rico)