Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bida ng show imbyera sa aktres

0 1,008

Muling nabuhay ang mga kuwento tungkol sa pagiging maangas ng isang nagkakaedad nang female personality. Maingay kasi siya ngayon, sawsaw nang sawsaw sa kung anu-anong isyu, kaya siya tuloy ang pinagpipistahan ng mga kuwento-kuwento.

Maraming naging karanasan sa nagkakaedad nang artistang ito ang mga production people ng iba-ibang istasyon. Marami siyang reklamo, kung anu-ano ang hinahanap niya sa set, gusto niyang tratuhin siyang reyna ng produksiyon.

Kuwento ng isang source, “Iba rin ang style ng babaeng ‘yun, feeling-sikat pa rin siya, samantalang tapos na ang panahon niya!

“Hindi na siya puwedeng maging reyna sa set ngayon dahil una, hindi na niya panahon. Ikalawa, nagtatrabaho lang siya sa production, hindi sa kanya ang production na tulad nu’n.

“Kaya bakit siya maghahanap ng extrang pansin? Panahon pa rin ba niya ngayon?” tanong-sagot ng aming source.

Nasama sa isang serye ang female personality na ito, hindi siya ang bida, nagpapanggap lang siyang bida sa pakiramdam niya.

Balik-kuwento ng source, “Mahirap siyang katrabaho, marami siyang tanong sa staff, kung anu-anong tanong na siya lang naman ang nakakaintindi. May mga reklamo rin siya, ano kaya ang tingin niya sa sarili niya, sikat pa rin siya?

“Nagkaroon ng time na talagang naging star siya, nakilala siya, pero tapos na ‘yun! Isa na lang siya sa marami ngayon. Pahirapan ba ang mga production people?
“Ayun, nabuwisit tuloy sa kanya ang totoong star ng show, naglabas ng sama ng loob sa kanya ang girl, dahil hindi na maganda ang mga ginagawa niya.

“KSP ang babaeng ‘yun! Hindi niya matanggap na tapos na ang panahon niya, kaya tingnan n’yo ngayon, sawsaw na naman siya nang sawsaw sa kung anu-anong issue para lang mapansin siya!

“Naku, tanggapin na lang kasi niya na nagbabago ang lahat. Ang katawan nga niyang seksing-sexy dati, e, naglaho na rin! Tapos na ang time niya!” madiing pagtatapos ng aming impormante.

Sharon nagdurugo ang puso

Mainit pa rin ang bumbunan ng mga artista ng ABS-CBN. Malayo pa ang pagkalma ng kanilang damdamin na madali namang intindihin dahil sila ang direktang nasapul sa pagpapasarado sa kanilang network.

Napakahirap mawalan ng trabaho. Mahirap gumising sa umaga na ang unang papasok na tanong sa isip mo ay paano na? Hindi ganu’n kadaling mawala ang buslo ng biyaya na pinagkukunan mo, nakalutang pa sa hangin ang pag-asa, walang eksaktong kasagutan kung may pintuan ba uling magbubukas para sa iyo.

‘Yun mismo ang nakatanim sa utak ngayon ng mga artista ng ABS-CBN kaya naglalabas sila ng saloobin sa social media. Mainit ang kanilang ulo, emosyonal sila, dahil hindi nga nila malaman ang gagawin para sa panghinaharap nilang kabuhayan.

Hindi na kailangan pang magtrabaho ni Sharon Cuneta, sobra pa sa sapat sa pangangailangan ng kanilang pamilya para mamuhay nang maluho ang naiipon niya, pero siyempre’y nagdurugo ang kanyang puso sa sinapit ng kanyang mga kasamahan sa network dahil sa matinding kabiguan ng istasyon para makakuha ng prangkisa.

Mapuso si Sharon, hindi siya katulad ng ibang personalidad d’yan na ipinagbubunyi pa ang kabiguan ng kanilang kapwa, marunong siyang makisimpatya sa masaklap na kapalaran ng mga kasamahan-kababayan niya.
Maraming ginagawang kabutihan ang Megastar na hindi na niya ipinagmamakaingay. Kumikilos siya nang palihim. Sa ibang bibig na lang natin nalalaman ang mga ginagawa niya mula sa puso.

Hindi namin makakalimutan ang ginawa niya maraming taon na ang nakararaan para sa isang namayapang personalidad. Siya ang dahilan kung bakit nakalabas ito ng ospital, napakalaking halaga ng ipinadala ni Sharon Cuneta, na puwede namang hindi na siya ang gumawa.

Pero dikta ‘yun ng kanyang puso, malaki ang naitulong ng personalidad sa kanyang career, tumatanaw lang siya ng utang na loob.

Leave A Reply

Your email address will not be published.