Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bida sina Lolo at Lola sa Taguig

0 159

Ngayong Oktubre ay ipinagdiriwang ng buong bansa ang Senior Citizens Week. Panahon ito para bigyang pugay at pasasalamat ang kanilang pagaaruga at pagmamahal bilang mga anak, magulang, pundasyon ng pamilya at maaasahang kasangga ng ating komunidad.

Sa Taguig, araw-araw ay bida ang mga senior citizens na kinikilala bilang matatag at mahalagang pundasyon ng lungsod.

Napakalaki ng naging kontribusyon nila sa kasaysayan at pag-unlad ng bansa. Noon ay napapalibutan ng mga kampo ng militar ang Taguig kaya maraming mga retiradong sundalo ang tumanda at namalagi sa lungsod. Ang kanilang patuloy na pagtatrabaho hanggang sa tumanda ang isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng produktibong ekonomiya ng lungsod.

Bilib ang buong komunidad ng Taguig sa mga senior citizens nito dahil sa napakaraming taong dumaan at hanggang ngayon ay walang tigil pa rin ang pagtataguyod at pagsuporta nila para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Bago pa ang pandemya ay marami na ang ginawang mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan para hustong maalagaan at paginhawahin ang pamumuhay ng mga senior citizens.

Isa sa mga proyekto na malapit sa puso ng lungsod ay ang Center for the Elderly sa Barangay North Signal Village. Nakakatuwang alalahanin at balikan ang pagbisita ko sa center at ang kamustahan namin nina nanay at tatay noong wala pang pandemya. Dito ay komportable nilang nagagamit ang mga pasilidad tulad ng therapy pool, massage rooms, sauna, gym, multi-purpose halls, theater at rooftop garden.

Hindi man nagagamit ngayon ang center sa pansamantalang pagsasara nito para sa kaligtasan ng lahat, mayroon namang OSCAR o Online Senior Center and Resources sa taguiginfo.com na naglalaman ng mga paalala at aktibidad para panatilihing aktibo at malusog ang kanilang lifestyle.

Hindi rin nahinto ang libreng house-to-house delivery ng kanilang maintenance medicines. Nadagdagan pa ito ng health kits na mayroong alcohol, vitamins, face masks at face shields. Mula 2012 hanggang ngayon ay patuloy rin ang pamimigay ng birthday cash gifts kada taon sa mga senior citizens ng Taguig.

Dahil ang mga senior citizens ay kabilang sa vulnerable sector sa COVID-19 at iba pang mga sakit, mas lalo pang pinapaganda at dinadagdagan ng lokal na pamahalaan ang mga serbisyo para sa kabuuang kalusugan at kaligtasan nila.

SM food to go Banner Ad

Prayoridad sila ngayon sa pagbabakuna. May nakalaang special lanes para sa kanila upang mas mapadali at mapabilis ang kanilang pagbabakuna. Ang mga bedridden senior citizens ay pinupuntahan mismo ng mga doktor sa bahay para mabakunahan.

Maging sa voter’s registration ay may priority lanes para sa kanila at pwede ang walk-in. Malaki rin ang pasasalamat ng lungsod sa kanilang pakikibahagi at partisipasyon na bigyang importansya ang bawat boto.

Bilang pakikiisa ng Taguig sa selebrasyon ng Senior Citizens Week, masusi ang ginagawang pagpaplano ng mga bagong programa at serbisyo sa lungsod.

Isa na rito ang pag-level up ng delivery of medicines dahil plano ng lungsod na magsagawa pa ng house-to-house distribution ng special care kits sa senior citizens na may karamdaman at kapansanan. Sila ay makakatanggap ng goods tulad ng bigas, food packs at hygiene kits.

Naghahanda rin ang lokal na pamahalaan ng masaya at exciting na patimpalak para kilalanin at bigyang pugay ang ilang senior citizens na mayroong espesyal na kontribusyon sa panahon ng pandemya. Sa pagsasagawa nito ay sisiguraduhin pa ring mahigpit na masusunod ang health at safety protocols.

Bukod dito, maraming online programs ang inihahanda ng lungsod tulad ng health webinars, talks at virtual activities na makakatulong sa pagpapabuti ng kalusugan at pagkakaroon ng healthy lifestyle ng senior citizens.

Kay sarap tumanda sa Taguig! Ngayong may COVID-19, lalong naging dahilan ito para pagtuunan pa ng pansin at mas gawin silang prayoridad.

Iparamdam at suklian natin ang kanilang pagkalinga at pagmamahal. Habambuhay nating kilalanin ang pagsisikap at inspirasyon na bigay ng ating mga lolo at lola na hindi tayo iniwan sa anumang aspeto ng ating buhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.