Abante Tonite Interactive

Bigas at galunggong

By
295

Kaliwa’t kanang upak ang inaabot ngayon ng National Food Autho­rity (NFA). Ilan dito ay humihiling na sipain ang mga opisyal ng NFA, habang ang iba ay ang pagbuwag mismo ng ahensiya matapos magkaroon umano ng shortage ng bigas sa Zamboanga City kaya pumalo sa P70 ang kada kilo ng bigas doon.

Ang nakapagtataka lang sa balitang ito, paano magkakaroon ng shortage ng bigas sa Zamboanga City eh tinaguriang ‘food basket’ ang Mindanao? Hindi kaya itinatago lang ng mga tiwaling rice trader ang mga bigas upang makamit ang kanilang maitim na hangarin?
Nataon pa ito kung saan itinutulak ng mga bata ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang rice tariffication bill na magtatanggal ng posas sa mga rice trader na umangkat ng bigas. Sa ganitong paraan, mawawalan na rin ng silbi ang NFA.

Kung mawawala ang NFA, matutulad ang bigas sa produktong petrolyo kung saan ang mga kompanya ng la­ngis ang nagdidikta ng presyuhan at tumutubo ng bilyones sa ganitong kalakaran. Maihahalintulad ang NFA sa Oil Price Stabilization Fund (OPSF) dahil sa kapipigil ng ahensiya sa pagtaas ng presyo ng bigas, pumalo na sa P167 bilyon ang kanilang utang.

Bigo man sa misyon ang NFA na tulungan ang mga magsasaka, may pakinabang pa rin sila tulad ng pag-iipon ng buffer stock upang magamit sa panahon ng emergency. May pakinabang pa rin ang ahensiya, ang problema lang ay ang mga opisyal na nagpapatakbo nito.

Setyembre 26, 1972 ipinanganak ang NFA na ang dating pangalan ay National Grains Authority (NGA), sa ilalim ng inisyung Presidential Decree No. 4 ni dating Pa­ngulong Ferdinand E. Marcos. Taong 1981 nang gawin itong NFA. Kung tuluyang mabubuwag ang ahensiya, higit sa 46 taon rin itong napakinaba­ngan ng gobyerno at ng taumbayan.

***

Bukod sa bigas, na­ging problema naman ng pamahalaan ang pagsirit ng presyo ng pambansang ulam – ang galunggong. Kaya itong si Agriculture Secretary Manny Piñol, aprubado ang importasyon ng 17 metriko tonelada ng ‘GG’. Darating ito sa pagitan ng Setyembre 1 hanggang Disyembre 31, o sa panahon nagkalat na ang mga hamon dahil sa Kapaskuhan.

Hindi maikakailang nagkukulang na tayo ng supply ng isda. Ito’y dahil na rin sa mga pa­saway na gumagawa ng iligal na pangingis­da. Sa isla ng Samar kung saan ako isinilang, naglaho na ang mga basnig. Nagkalat naman ang pangulong at mga trawl. Sinusu­yod ng trawl fishing ang ilalim ng dagat, malaki o maliit na isda walang itinatapon. Ngayon, kinakaila­ngan pa ng lalawigan na kumuha ng supply sa Mindanao at Leyte para mapunan ang kakula­ngan ng supply ng isda.

Lumalaki ang populasyon ng Pilipinas, pero ang produksiyon ng bigas, kumokonti. Ang huli ng isda, kung dati ay banye-banyera, ngayon ay nasa tabo na lang. Darating ang panahon na hindi lang galunggong ang kukunin sa abroad, baka pati ginamos galing din sa ibang bansa.