Abante Tonite Interactive

Bigas para sa basura

FOR THE RECORD

By
222

Nakakatuwa ang konseptong sinimulan ng isang barangay sa Silang, Cavite na “bigas para sa basura” dahil nakakatulong ito sa kalinisan ng komunidad.

Marami ang huma­nga sa konsepto ng Barangay Tartatia dahil natuturuan ang mga residente na maging malinis at may katumbas na bigas para sa pamilya.

Katunayan, ginaya na rin ito ng isa pang bayan sa Cavite dahil magandang paraan ito para maging malinis ang kanilang lugar.

Pero may uri lamang ng basura na pinapalitan ng bigas gaya ng plastic na mga bote, plastic bags, plastic wrappers at iba pang uri na gawa sa plastic.

Ang mga plastic materials na napulot at napalitan ng bigas ay dinadala ng mga opisyal ng Barangay Tartaria sa isang ecowaste facility at ginagawang ecobricks.

Hindi ako magtataka kung sa mga susunod na araw ay gagayahin na rin ang iba pang local executives ang ideya bilang isang paraan sa paglilinis sa kapaligiran.

Kung gawin sa Metro Manila ang konseptong sinimulan sa Silang, Cavite ay tiyak na marami ang matutulungan ng bigas na kapalit ng mapupulot na basura dahil talaga namang marumi ang ilang lugar.

Panahon na para gawin ng mga lokal na opisyal at metro mayors ang seryosong paglilinis sa kanilang komunidad dahil mas maganda at masarap sa pakiramdam na makitang masaya ang mamamayan sa isang malinis na pamaya­nan.