Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bigating proyekto ni Chiz

0 127

Nakabibilib naman itong bagong proyekto ni Sorsogon Governor Chiz Escudero. Kamakailan lamang ay inilunsad ng gobernador ang 911 emergency hotline upang agarang makaresponde sa anumang emergency sa lalawigan.

Ang 911 local call center ay mapapasailalim ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) at tatakbo ng 24 oras, 7 araw kada linggo as in walang tulugan!

Kuwento ni Gov. Chiz, ito yung tipikal na 911 system na parang napapanood natin sa telebisyon. Habang kinakausap daw ng operator ang caller, binabato na ang information sa dispatcher, na siyang magpapasa naman ng information sa Bureau of Fire Protection kung may sunog, sa Philippine National Police kung may kaguluhan at sa PDRRMO o DRRMO naman kung medical emergency.

Ang call center ay binubuo ng siyam na telecommunicators kung saan pito sa kanila ay mga registered nurse, isang administrator at isang encoder. Paliwanag ni Gov. Chiz, kaya mga registered nurse ang kinuha niyang telecommunicators ay para makapagbigay agad ng medical advice sa mga caller. Kalimitan kasi, nagpapanik yung taong tumatawag kaya mapapakalma sila ng mga nurse na agad magtuturo ng first aid habang hinihintay ang pagdating ng mga nagresponde.

Isa pa sa magandang diskarte ng gobernador ay ang paglalagay ng Global Positioning System o GPS sa lahat ng sasakyan ng probinsiya, kasama ang mga emergency vehicles upang madaling matunton at mapadala ang alinmang sasakyan na malapit sa lugar ng emergency. Gagamitin din ang GPS sa mga poste ng kuryente para hindi mahirapan sa paghahanap ang mga responder.

Gumawa na rin ng hakbang si Gov. Chiz para hindi mapeste ng prank callers ang 911 system ng lalawigan. Inatasan na niya ang Sangguniang Panlalawigan na magpasa ng ordinansa para mapatawan ng parusa ang manloloko sa naturang emergency hotline. Aba’y kung puwede nga lamang, yung mahuhuling prank caller ay ipakain na lang sa butanding.

Hindi lang talaga sa Senado nakakabilib ang performance ni Chiz kundi pati na rin sa pagganap niya ng tungkulin bilang gobernador ng Sorsogon. Hindi lang ang taga-roon ang makikinabang sa proyektong ito kundi pati na ang mga biyahero. Isa po ang inyong lingkod sa napapadaan sa nasabing lalawigan sa tuwing uuwi ako ng Samar.

Leave A Reply

Your email address will not be published.