Abante Tonite Interactive

Bigyan ng oportunidad ang atleta ng eSports

By
2,418

Hindi sila katulad ng mga tradisyunal na atleta na kailangang magpapawis, magbuhat ng mabibigat na bagay, magsanay ng iba’t ibang mga pisikal na aktibidad at makipagsagupa sa kapwa atleta.

Tanging hawak nila maghapon ay ‘mouse’ at madalas na nakapisil sa teklado ng isang compu­ter. Bagaman dapat din na nasa pinakamaganda silang estado ng kalusugan, ang mga atletang kabilang sa eSports ay mas madalas na nakaharap lamang sa computer at kinakabisado ang mga taktika at paraan para talunin ang kanilang kalaban.

Isa ang electronic sports o eSports na pag­lalabanan bilang demons­tration sports sa nalalapit na 18th Asian Games sa Jakarta at Palembang, Indonesia. Unang pagkakataon ito sa kada apat na taong torneo para sa kabuuang 45 miyembrong bansa sa Asya na makakasama ang eSports bilang parte ng paglalabanang isport.

Isa ang ‘Pinas sa kalahok sa unang pagsasagawa ng eSports sa kinukonsiderang Olimpiada ng lahing Asyano. Pero tila hindi magiging bahagi ang mga atleta sa eSports dahil walang planong magpadala ng anumang kalahok ang namumunong Philippine Olympic Committee (POC).

Dahil demonstration sports lang, walang halaga kung makakapagwagi man ng gold medal ang eSports sa kampanya ng Pilipinas. Dagdag lang sa gastusin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga ipapadalang atleta ng eSports kumpara sa mga lalahukan nitong lehitimong sports.

Hindi na napapag-iwanan ang mga Pinoy kung eSports lamang ang labanan dahil mayroon nang isang grupo ng eGames na kasaluku­yang nakikipagsabayan sa mga mahuhusay na koponan sa buong mundo sa iba’t ibang laro tulad ng DOTA 2, League of Legends, Counter Strike at maging StarCraft.

Hindi rin lang sa pagsali ng mga malalaking internasyonal na torneo na may nagtataasang premyo masasanay ang mga eSports athlete kundi pati na rin sa mga katulad na multi-sports tourney gaya ng Asian Games.

Hindi na rin nalalayo na makasama ang eSports sa mas prestihiyosong World Summer Games o ang Olympics dahil sa kasalukuyan na rin itong pinagdedebatehan para mapabilang sa mga paglalabanang sports.

Marahil kailangan din na masuportahan­ ang mga atleta sa e­Sports at mabigyan ng pagkakataon na mapalago at mapalawak sa buong bansa upang hindi lamang makapagbigay ng magandang tsansa sa mga nahihilig na makapanalo ng malalaking premyo kundi makatulong din sa kani-kanilang pamil­ya at sa bansa.