Abante Tonite Interactive

Bigyan ng proteksyon ang media

FOR THE RECORD

239

Madugo ang halalan sa bansa dahil may mga lugar na nagpapatayan ang mga magkalabang kandidato. Actually, noong nakaraang taon pa ito nagsimula nang itumba si Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.

Subalit ang nakalulungkot dito, pati na ang mga taong naghahatid ng balita tungkol sa mga kaganapan sa halalan ay damay na rin sa election violence. Sila kasi ang nasa frontline kaya’t nalalagay sa panganib ang kanilang buhay.

Kaya naman nana­nawagan si Ilocos Norte Governor Imee Marcos kay Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde at Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Benjamin Madrigal na panga­lagaan ang seguridad ng mga mamamahayag sa nalalapit na halalan.

Maraming politiko sa bansa ang balat-sibuyas at kapag nababatikos ng mamamahayag lalo na sa panahon ng kampanya ay gumagawa ng paraan para mapangalagaan ang kanilang imahe, kahit na sa marahas at iligal na paraan, ayon pa kay Imee.

“Panahon ito ngayon na ang target na patayin ng mga tiwaling pulitiko ay mga mamamahayag,” paliwanag ni Marcos na kandidato sa pagka-senador ng Nacionalista Party.

Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, 12 mamamahayag na ang napatay at siyam sa kanila ay pinaslang habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Sa ilalim naman ng administrasyong Aquino, 35 journa­list ang pinatay simula noong Hul­yo 1, 2010 hanggang Nobyembre 2015.
Dagdag pa ni Marcos, napatunayan sa mga nagdaang eleksyon na ang mga mamamahayag ang kalimitang biktima ng mga pagpatay at pana­nakot kaya’t nararapat lang na bigyan ito ng mahigpit na seguridad ng PNP at AFP.

Sana naman, pakinggan ng PNP at AFP ang panawagang ito.

***

Mukhang walang patutunguhan ang miting ng bicameral conference committee sa panukalang P3.757 trilyong budget ng pamahalaan ngayong 2019 dahil sa away ng pork ng mga senador at kongresista. Banta pa nga ni Se­nate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, baka sa July na muling matalakay ang panukalang budget.

Kung magkatotoo ang babala ni Sotto, hindi na si dating Pa­ngulong Gloria Macapagal-Arroyo ang House Speaker at posibleng iba na rin ang chairman ng House committee on appropriations.