Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bike mode ON

0 480

Julius M. Segovia

Sa kabila ng peligrong dulot ng pagbibisikleta sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila, marami pa rin ang na-engganyong mag-bike na lang papasok sa kani-kanilang trabaho.

Ngayon kasing nasa ilalim ng MECQ o modified enhanced community quarantine ang NCR, bawal ang public transportation. Ibig sabihin, wala munang biyahe ang mga jeep, bus, tricycle at mga tren.

Kaya marami ang napilitan na lang na bumili ng bisikleta para makapagpatuloy sa kanilang trabaho ngayong may COVID-19 pandemic.

Para sa mga siklista, mas marami pa ring benepisyo ang pagbibisikleta kaysa sa peligrong posibleng idulot nito sa isang tao.

Isa sa pinaka-nakakabuwisit na parte ng pagko-commute ang waiting game. Hassle na maghintay ng bus at jeep. Sakaling may dumating, punuan naman. Bawal ang siksikan ngayong may pandemya. Kailangang nasusunod ang hanggang isang metrong social distancing. Kaya siguradong matagal kang maghihintay para makasakay.

Sa pagbibisikleta, mabagal nga pero tiyak namang makakarating ka sa’yong pupuntahan. Kailangan lang mag-doble ingat sa pagmamaneho ng bisikleta. Manatili sa bike lane. Ang problema, hindi lahat ng kalye sa Metro Manila, may bike lane. Iilang lungsod pa lang ang naglagay nito sa kanilang mga pangunahing lansangan.

Kada commute, uubos ka siguro nang higit isandaang piso kada araw. Pero sa pagbibisikleta, wala kang gastos. Makakapag-ehersisyo ka pa. Maganda sa katawan ang pagbibisikleta. Importante na magdala ng water jug para makakainom ka sakaling mauhaw sa biyahe.

Pero siyempre, walang kapalit ang buhay ng isang tao. Nag-iisa lang ‘yan. Ang sa akin lang, kailangan talagang mag-doble ingat sa pagbibisikleta. I-maintain din na ‘light’ o magaan lang ang dala-dala para makapagbalanse nang ayos. Ugaliin ding i-check ang bisikleta bago gamitin.

Leave A Reply

Your email address will not be published.