Abante Tonite Interactive

Biker 2-araw nawala sa bundok, na-rescue

223

Isang biker mula sa Maynila na dalawang araw nang nawawala ang na-rescue ng Philippine Air Force sa isang bundok sa Itogon, Benguet kahapon.

Labis naman ang tuwa ng kanyang kapa­tid nang salubungin ang biktimang itinago sa pangalang Ferdie, 41, na taga-Quezon City.

Bago ang pagkakasalba kay Ferdie ay magkakasama ang biktima at apat pang kaibigan na umakyat gamit ang bisikleta sa Mount Ugo.

Sa Kayapa, Nueva Vizcaya ang point of origin ng mga biker.

Sa pag-aakalang nasiraan ng bisikleta ang tatlong kasama ay kanya itong binalikan para sana alalayan pero hindi na niya ito nahanap hanggang sa mawalay ito sa grupo.

Nahirapan na rin siyang sundan ang bike trail dahil nangitim na ito matapos ang forest fire noong nakaraang buwan.

Huwebes ng gabi ay nagsimula ang ground search ng Itogon police sa Brgy. Tinungdan kung saan siya hu­ling nakita.

Alas-9:00 nang umaga Sabado, natagpuan si Ferdie ng 505th Search and Rescue group at tactical operations group one ng Philippine Air Force.

Nasa taas na 5,000 feet sa bahagi ng Mount Ugo ang biker nang makitang kumakaway sa rescue team.

Dahil nanghihina, inakay nila ito pabalik para isakay sa chopper.