Abante Tonite Interactive

Biker at lolo, patay matapos mahulog sa creek

By
6

Isang lolo at isang lalaking nakabisikleta ang magkasunod na nahulog sa creek sa magkahiwalay na insidente sa Navotas at Malabon City kamakalawa ng gabi.

Ganap na alas-10:00 ng gabi nang mahulog ang isang Jesus Diaz, na kasalukuyan noong nagbibisikleta sa kahabaan ng Lapu- Lapu Highway, Tumana na sakop ng Bgy. North Bay Boulevard South (NBBS), Navotas.

Ilang mga nakasaksi ang nagsabing tila umano lasing si Diaz nang maganap ang insidente. Kasalukuyan umano itong lulan ng kanyang biseklata nang biglang sumadsad sa gutter hanggang sa magtuluy-tuloy sa creek kasama ng kanyang bisikleta.

Umabot sa mahigit isang oras at kalahati bago tuluyang naiahon si Diaz na natunton matapos na makapa ang kanyang bike.

Bagama’t buhay pa nang maiahon ay hindi na rin pinalad pang makaligtas ang biktima at nasawi rin pagdating sa pagamutan.

Samantala, bandang alas-11:45 ng gabi kung saan hindi pa humuhulas ang dami ng taong nakikiusyoso ay isang hindi pa nakikilalang matandang lalaki ang nahulog sa nasabi ring creek sa bahagi ng diretsong kalsada na sakop ng Bgy. Longos, Malabon.

Naging pahirapan ang paghahanap sa biktima dahil sa kapal ng basura, mataas na tubig at makapal na burak. Kinakailangan pang pababain ang tubig sa creek bago nakasaklolo ang mga Malabon rescuer.

Ayon sa mga nakasaksi ay lasing umano ang biktima nang maupo at tila nagsasalitang mag-isa sa mababang sementong harang ng creek nang bigla na lamang itong mahulog. Narinig pa umano ng mga residente sa lugar na sumisigaw ang matanda at humihingi ng lubid.