Abante Tonite Interactive

‘Bikoy’ fever: Matrix at diagram, propaganda war?

303

Aileen Taliping

Habang mainit ang mga sari-saring isyu sa eleksiyon, mainit din ang hatid na epekt­o ni alyas ‘Bikoy’ sa mga personalidad na napaugnay sa kanyang ginawang “pagkakalat” kaugnay sa serye ng narco-video na inilabas nito sa YouTube at iba pang uri ng social media.

Malawak ang naging epekto ni alyas ‘Bikoy’ sa mundo ng politika dahil nadiin ang mga grupong politikal na kalaban ng administrasyon at iba pang personalidad na lantarang kumakalaban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Abante Hiring – IT dep

Matapos lumabas ang ilang narco-video ay tinapatan naman ito ng Malacañang ng matrix na nagdedetalye ng ilang personalidad na nagpaplano umanong magpabagsak kay Pangulong Duterte.

Gaya ng dapat asahan, nagpalitan ng sagot sa media at sa social media sites ang administrasyon at oposisyon, kasama na ang ilang media personality na kritikal sa administrasyon.

Pero tila naiba ang ihip ng hangin nang makuha ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang “person of interest” na si Rodel Jayme, na umaming siya ang gumawa ng website kung saan ini-upload ang narco-videos na nag-aakusa sa Presidente at sa pamilya nito na tumatanggap umano ng pera mula sa sindikato ng droga.

Todo-tanggi naman ang oposisyon, partikular ang Liberal Party na may kinalaman sila sa black propaganda laban kay Pangulong Duterte, at bagama’t sinlabo pa ng tinta ng pusit ang mga impormasyon ay lumutang ang nagpakilalang alyas ‘Bikoy’ na si Peter Joemel Advincula, at inakong siya ang may kagagawan sa mga kumalat na narco-video.

Pero hindi kuntento ang Malacañang sa pag­lutang ni Advincula dahil sa paniwalang may ibang kasama ito sa paggawa ng black propaganda kaya naman tuloy ang imbes­tigasyon at halos lahat ng napaugnay kay ‘Bikoy’ ay iniimbestigahan.

Masalimuot at nakakalito kapag hindi nasundan ang mga pangyayari na mas lalo pang pinalala ng isa pang diagram at power point presentation na inilabas ng Malacañang dahil maduduling ka sa dami ng koneksiyon nito.

Ang tanong ng taumbayan: Nakakatulong ba ito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay? Ano ang implikasyon ng matrix, diagram at paglantad ni ‘Bikoy’ sa ordinar­yong araw ng mga Pilipino?

Nagmistulang sarsuwela na ang politika sa Pilipinas dahil sa siraan at batuhan ng putik ng magkakalabang partido at politiko pero kung lilimiing mabuti, ang nais lang mangyari ay palitawin sa publiko na ang isang partido ay malinis, walang bahid dungis, habang ang isa namang kampo ay madumi, balot ng mga sikreto at kung ano-an­o pa.

Saan lulugar si Juan dela Cruz sa mga ganitong sitwasyon? Malinaw na ang nagbabanggaang dalawang grupo ay pansariling kapakanan ang iniintindi at nakalimutan si Juan na siyang dapat na pagsilbihan!

Nakakasuya at nakakasawa ang araw-araw na bangayan at iringan ng mga politiko kaya sana matapos na ang eleksyon para mapagtuunan ang kapakanan ng mga taong nagluklok sa mga ito sa puwesto.

Gaya nga ng paulit-ulit na pahayag ni Pangulong Duterte: “We are workers of the go­vernment” kaya kayong mga politikong pulpol, pagsilbihan ang taumbayan at huwag umastang kayo ang hari at makapangyarihan!