Abante Tonite Interactive

‘Bikoy’ kinasuhan ng estafa sa beauty pageant

442

Pormal nang sinampahan ng kaso sa Department of Justice (DOJ) ang nagpakilalang si alyas ‘Bikoy’ na si Peter Joemel Advincula dahil sa hindi pagbabayad ng premyo ng mga nanalo sa isang beauty pageant sa Polangui, Albay noong nakalipas na taon.

Sa isinampang complaint-affidavit ni Arven E. Valmores ng Ardeur World Marketing, inakusahan nila si Advincula ng paggamit ng pangalan ng kanilang kompanya at logo para sa promosyon ng “Miss Scenti Essencia Ambassadress 2018” ng wala siyang pahintulot.

Nabatid na kasama rin sa hindi binayaran ang suweldo ng mga staff sa nasabing patimpalak.

“Respondent never­ attended the coronation­ night and became unreachable there after leaving all the members of the production staff unpaid,” nakasaad sa reklamo laban kay Advincula.

Sinabi pa ni Valmores na napuwersa siyang bayaran ang obligasyon ni Advincula sa mga nanalo at sa mga staff na nagkakahalaga ng P304,422.00.
Nabatid na mula noon ay hindi na nila nakita si Advincula pero nagpasya siyang magreklamo nang lumantad ito sa Integrated­ Bar of the Philippines noong Mayo 6. (Juliet de Loza-Cudia)