Abante Tonite Interactive

Biktima ng COVID-19 ginagatasan pa ng mga ospital

0 1,355

Mr. Speaker,

Ako po si Kaye Dacer. Ginagamot ngayon sa ICU Isolation ng Delos Santos Hospital ang kapatid kong lalaki matapos mahawaan ng COVID-19 virus.

Dalawang linggo na siya sa ospital at umakyat na sa halos P1 milyon ang aming bill. Ang sabi ng ospital, kailangan na naming magbayad ng cash basis kung gusto naming magpatuloy ang paggagamot sa kapatid ko.

Paubos na ang hawak naming cash at sarado ang mga bangko `pag Sabado at Linggo kahit gustuhin pa naming mag-withdraw mula sa limitado na lang na ipon ng aming pamilya para ipambayad sa ospital. Mr. Speaker, nasa bingit na ng panganib ang buhay ng kapatid ko pero nakapaghihimagsik ng kalooban na kaya palang ipagkait ng ospital na ito na gamutin ng tama ang kanilang pasyente kung walang ibabayad sa kanilang serbiyo.

Hindi kagustuhan ng kapatid ko o kahit ng sinoman na magkaroon ng virus na ito. Hinding-hindi nila ito nanaisin. Ni sa hinagap ay hindi inakala ng aming pamilya na dadapuan siya ng virus na ito na made in China.

Makikiusap sana ako Mr. Speaker. Bilang isa sa mga lider ng ating pamahalaan, maging instrumento sana kayo para matiyak na matutulungan at mabibigyan ng mga ospital sa bansa ng tamang serbisyong medikal ang lahat ng pasyenteng dinapuan ng virus na ito.

Biktima sila ng virus at dapat silang tulungan at gamutin ng mga ospital – pampubliko man o pribado. Hindi ito kwestyon kung may pera man sila o wala. Gumagamot sila, sumasagip at nagdudugtong ng buhay. Hindi kailanman naging bahagi ng kanilang sinumpaan na treat now, pay later.

Nanggagamot ang mga doktor para mabuhay ang pasyente at hindi para magpataba ng kanilang bulsa. Nasaan po ang inyong konsensya at malasakit kung kakainin kayo ng ganitong sistema?

Hindi handa sa ganitong pagsubok o giyera ang aming pamilya. Ang bigat. Ang sakit sa dibdib. At alam kong ganito rin ang pinagdaraanan ng mga pamilyang may mahal sa buhay na nahawaan ng virus na ito. We have exhausted all our means especially this time that all our collections were put on hold.

Sir, nakikiusap ako, hindi lang para sa kapatid ko kundi para na rin sa iba pang pasyente na pinagkakaitan ng mga ospital tulad ng isang pribadong ospital sa Quezon City na patuloy na manggamot ng mga pasyenteng tinamaan ng Covid-19.

May pag-asa po silang gumaling, muling makabangon at makasama namin ulit. Pero paano ito mangyayari kung pagkakaitan sila ng mga ospital na ito na gumaling?

Nakikiusap ako Mr. Speaker na sana ay makaabot ito kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa pamamagitan niya ay mahinto na ang ganitong sistema sa mga ospital. Pantay-pantay po sanang pagtrato sa mga pasyente, may pera man o wala.

Sa may-ari ng ospital, sana naman ay huwag ninyong pagkaitan ang kapatid ko at ang iba pang pasyente ng pagkakataong gumaling at mabuhay dahil lang sa kakulangan naming masustine ang kailangan niyang medications. Mr. Speaker, I’m crying out not just for my brother but for the other victims of this virus.

Patuloy na nagbibigay ng milyun-milyong pisong tulong-pinansyal ang mga kompanyang Coca Cola, SM at iba pang naglalakihang business firm para sa mga biktima ng virus pero nakalulungkot namang nanggigipit at nagkakait ng kanilang serbisyo ang mga ospital na ito. `Di ba dapat ay kayo ang maunang magpakita ng malasakit sa dinaranas nating krisis ngayon? Tulungan n’yo sana kami Mr. Speaker.

Ang hinihiling lang namin ay maipagpatuloy ng ospital na magamot ang kapatid ko at iba pang kapos sa gitna ng aming kakulangan na makalikom ng sapat para sa pagpapagamot. Para po sa lahat ng mga biktima ng virus na ito, humihiling po kami ng dasal para sa kanilang kaligtasan. Maging makatao po sana ang lahat anuman ang estado natin sa lipunan.