Abante Tonite Interactive

Bilang na ang araw ng mga korap sa BOC!

0 356

Tiyak na mukhang sinisilihan na ang wetpaks ng mga tiwaling opisyal ng Bureau of Customs (BoC) dahil sa anunsyong sibakan nakaraang linggo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kagawaran.

Nakaraang Biyernes ay sinabi ni Pangulong Duterte na may sisibakin siyang mga opisyal sa BoC dahil sa katiwalian pagbalik niya sa Metro Manila.

Sa talumpati ng Pangulo sa inagurasyon ng Chen Yi Agreventures Rice Processing Complex sa Alangalang, Leyte noong Biyernes ay sinabi nitong hindi siya titigil sa pagsibak ng mga opisyal hanggat hindi natitigil ang paggawa ng katiwalian.

Abante Hiring – IT dep

“I will go for the Customs again. There will be a lot of dismissals I hope. And I try to really stop the corruption in the higher crust of government,” pahayag ni Duterte.

Kapalit ng sisibakin niyang mga opisyal sa Customs ay mga sundalo sa paniwalang mas katiwa-tiwala ang mga ito kumpara sa mga nakaupo ngayon sa ahensiya.

Siguro naman ay tinablan na ng hiya ang mga kasalukuyang opisyal ng BoC na patuloy na nagmamatigas sa puwesto sa kabila ng napakaraming eskandalong kinakasangkutan.

Sobrang kahiya-hiya ang inabot ng BoC sa naglahong 641 container sa panahon ng pamumuno ni dating Commissioner Isidro Lapeña.

Tinatayang P100 mil- yon hanggang P500M ang nalugi sa gobyerno dahil sa pagpuslit ng mga container na naglalaman umano ng mga bigas, asukal at sigarilyo.

Hindi lang iyan dahil dati nang ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson na ‘business as usual’ pa rin ang mga tiwaling opisyal ng Customs at hindi pa rin nawawala ang tara system kahit nasa ilalim na ito ng liderato ni Customs Commissioner Ray Leonardo Guerrero.
***
Sa kabilang banda, nabatid nating may grupo ng mga importer ang sumulat kay Pa-ngulong Duterte para ipasilip ang ilang opisyal ng BOC na nagpapataw ng ‘tara’ sa ilang shipment gaya ng mga sasakyan at bigas.

Related Posts

Ayon sa kanila, sangkot sa ‘tara system’ ang isang abogado at dalawang mataas na opisyal ng Boc.

Nanghihingi umano ang mga ito ng mula P3,000 hanggang P5,000 kada container mula sa mga broker at importer.

Ang isa sa isinusumbong ay dati nang binakbakan ni Lacson nang maitalagang BOC deputy commissioner dahil isa aniya ito sa “bagman” na nakakatanggap ng payola o tara sa Customs.

Hindi kaya may kinalaman ang bantang paninibak ng Pangulo sa natanggap na reklamo ng grupo ng mga importer?

***
Hindi ko rin maintindihan kung bakit sintigas ng bato na yata ang kukote ng ilang kagawad ng Philippine National Police (PNP) dahil walang kadala-dala at patuloy pa rin sa paggawa ng kalokohan.

Katulad na lamang ng isang pulis na nanigaw, nagmura at nagbanta pa sa isang sibilyang call center agent na bumibili sa isang tindahan.

Mabuti na lang ay nakuhanan ng video ang kaangasan ng pulis na kinilalang si P/SMS. Arnulfo Ardales na nakatalaga sa San Juan City at nag-viral na.

Dahil viral na ang kalokohan at nagsampa na ng reklamo ang biktimang call center agent laban sa pulis ay iniutos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. General Guillermo Eleazar ang pagsibak sa puwesto kay Ardales.

Sa mga tauhan at opisyal ng PNP, magtino na kayo dahil tiyak na may kalalagyan kayo kay Gen. Eleazar na sobrang galit na galit sa mga abusadong pulis.