Abante Tonite Interactive

Bilanggo umungol sabay dedo

298

Isa nang matigas na bangkay nang magisnan ng mga kasamahan ang isang preso na umungol pa sa loob ng kanilang piitan bago nalagutan ng hininga sa Batasan Police Station 6, sa Quezon City kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ni Batasan Police Station (PS-6) Commander P/Supt. Joel Villanueva, ang namatay na inmate na si Benjamin Reyes Magno, 36-anyos ng Merciful St., Sitio Veterans, Brgy. Bagong Silangan, QC.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Hermogenes Capili, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), alas-3:30 ng madaling-araw kahapon nang mabungarang matigas na ang katawan at wala nang buhay si Magno ng katabi nitong preso na si Glenn Santiago.

Ayon kay Santiago, bago ang insidente ay naririnig pa niyang umuungol si Magno subalit hindi niya ito pinansin dahil sanay na silang lagi itong humihilik tuwing natutulog.

Subalit nang magising umano siya nang madaling-araw ay napansin niyang
maputla at matigas na ang katawan ng katabing preso at nang tapikin ay hindi na nagising kaya nagpasaklolo sa naka-duty na pulis na si PO1 Ralph Joy Barcoma.

Agad isinugod sa East Avenue Medical Center si Magno subalit wala na umano itong buhay, ayon sa attending physician na si Dr. Russel Carandang.

Hinala ng awtoridad, posibleng bangungot ang ikinasawi ng preso.

Gayunpama’y iniimbestigahan pa rin nila ang sanhi ng pagkamatay nito.

Si Magno ay nakulong sa kasong paglabag sa RA 9262 (Violence Against Women and Children).