Abante Tonite Interactive

Bilibid dapat alisan ng WiFi

0 235

Irerekomenda ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang tuluyang pagputol sa communications system sa New Bilibid Prison (NBP) para matigil na ang mga nagaganap na katiwalian.

Kasunod ito ng ulat na pati ang paggamit ng wifi ay pinagkakakitaan ng mga opisyal at tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa tamang presyo.

Sinabi ni Panelo na kung isa ito sa mga paraan sa paggawa ng mga illegal na aktibidad sa Bbilibid ay mas mainam na tuluyang maalis ito para hindi maging ugat ng katiwalian.

“I will suggest to the President. Di ba ang nagtatanggal ng signal kung sino ‘yung server. ‘Pag tinanggal ‘yan ng Smart saka Globe, eh ‘di wala na. ‘Di ba ganiyan ang ginagawa nila ‘pag mayroong head of state, bigla tayong wala lahat. Sa China, kahit saan kami pumunta ganun eh, nawawala lahat ng signal,” ani Panelo.

Sinabi pa ng kalihim na kung ang paggamit ng wifi at iba pang uri ng komunikasyon ang nakakadagdag sa problema sa NBP ay dapat lamang na alisin para wala ng maperwisyo.

“Kung ‘yun lang ang problema. Kung nakaka-aggravate sa problema, o ‘di tanggalin na lang natin para wala na— kasi kung ‘yan ang nagiging problema, they are using the communication system to commit illegal acts o ‘di might as well remove it,” dagdag ni Panelo.

Sa ginanap na hearing sa Senado, ibinunyag ng isang testigo, maaaring makagamit ng celfon at wifi ang isang preso kung magbabayad ito at ang presyo ay nakadepende sa gagamiting mobile phone.

Tinitiyak naman ni Panelo na mapaparusahan at madi-dismis sa serbisyo ang mga opisyal at tauhan ng BuCor na mapapatunayang sangkot sa mga animalya sa loob ng pambansang piitan. (Aileen Taliping/Dindo Matining/Prince Golez)