Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bilibid jailguard binutas ulo

0 334

Natagpuang patay ang isang jailguard ng New Bilibid Prison (NBP) na nagtamo ng tama ng bala sa kanang sentido sa loob mismo ng pasilidad, Huwebes ng umaga.

Sa ulat ng pulisya, nagpapatrolya ang post tower supervisor na si CSO1 Bryl Racal nang makita nito ang katawan ni CO1 Edmun Molina, 29-anyos, sa Goal Tower 4 ng medium security compound ng Camp Sampaguita, Bureau of Corrections (BuCor) sa Muntinlupa City bandang alas-5 ng umaga.

Ayon kay BuCor spokesperson Gabriel Chaclag, nakaupo sa folding bed at hawak pa ni Molina ang kanyang baril sa kanang kamay nang matagpuan ito ni Racal.

Nasamsam sa lugar ng insidente ang inisyung baril kay Molina na isang caliber .45 na may magazine at lamang limang bala, isang chamber load, isang extra magazine na may lamang walong bala ng caliber 45 at fired cartridge case.

Samantala, sinabi ni Racal na naka-duty si Molina simula noong Hulyo 6 at nilarawang likas itong tahimik at mabait.

Titingnan din ang mga footage sa mga nakakalat na CCTV camera sa pasilidad para matiyak kung walang foul play sa nasabing insidente. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.