Abante Tonite Interactive

Bilog ang mundo

By
227

Saktong gulong lang talaga ang andar ng buhay. Parang eksena rin sa buhay ni da­ting Speaker Pantaleo­n ‘Bebot’ Alvarez. Marami siyang BFF (Best Friends Forever)­ noong panahon na okupado­ niya ang trono sa ­Kongreso.

Kaya lang, na-wrong move si Alvarez kaya nasilat siya at natapos ang maliliga­yang araw niya bilang pinakabida sa Lower Chamber.

Kahit sabihin pang sanggang-dikit ka sa Hari, rule number 1 ‘yung huwag na huwag mong kakantiin o kakalabanin ang kanyang pamilya. Sumabit si Alvarez nang galitin niya ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

At ngayon, walang masilungan si Alvarez matapos siyang ilaglag sa puwesto ng mga dati niyang kakampi sa Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban ng Ba­yan (PDP-Laban) katulong ang iba pang mga mambabatas na dismayado na sa kanyang liderato sa Kamara.

Kung mamalasin pa, namumuro pang masibak bilang secretary general ng ruling majority party na PDP-Laban ang kinatawan ng Davao City.

Ang pinakamaganda niyang opsyon ay sumapi sa alinman sa mga opposition party­ pero depende pa rin kung tatanggapin siya ng mga ito.

At dahil binangga niya ang anak ni Pa­ngulong Duterte, tipong malabo na rin ang tsansa niyang manalo para sa anumang electoral post sa Davao City kung saan ay mas matibay pa sa pader ang puwersa­ sa politika ng pamil­ya Duterte.

Umugong din sa Kamara ang balita (o tsismis) na nakiusap si Bebot kay Pampang­a Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na pu­malit sa kanya bilang Spea­ker na kilalanin ang kanyang grupo bilang bagong minorya.

Ang masaklap, binutata agad ito ni Minority Leader Quezon Rep. Danilo Suarez kaya goodbye pangarap na naman.
Sa kasalukuyan, pinag-aawayan pa ng mga opposition group sa Kamara kung sino ang kikilalaning Minority Leader kapalit ni Suarez na nagparamdam na ng kagustuhang lumipat sa PDP-Laban.

Marami ang nagsasabi na siguradong sarado na ang pintuan ng PDP-Laban para kay Bebot.

Para naman kay Davao City Rep. Karl­o Nograles na ang napipintong pagbalasa sa PDP-Laban ay natural lamang na resulta ng pagbabago sa liderato ng Kamara.

Sa kanyang pana­yam sa ANC television, sinabi ni Suarez na walang ibang dapat sisihin si Alvarez sa kanyang pagbagsak kundi ang kanyang sarili.

Marami raw ka­sing palpak si Cong. tulad na lang ng isinusulong nitong ‘no-el’ (no elections) kaakibat ng panukalang Charter Change patungo sa fe­deralism.

Hindi bale, Cong. Alvarez, bilog naman ang bola. Malay ninyo, pagtalbog nito ay kayo ulit ang nasa ibabaw? Sana lang ay huwag si Pangulong Duterte ang maghagis at tiyak na sa iba niya ipasasalo ang bola. ‘Yun na!