Abante Tonite Interactive

Bina-blackmail ng ex

966

Dear Atty. Claire,

Ang ate ko po ay pinamanahan ng lupa ng magulang namin. Ngayon po nabuntis siya ng 10 yrs. ang tanda sa kanya. Nanganak po ang ate ko sa una noong 2003 at pangalawa noong 2004. Magulang namin ang nagsusustento. Hanggang sa nanganak pa po ulit ang ate ko ng dalawa noong 2009 at 2010.

Hindi pinapakasalan ng lalaki. Gusto niya po mag-abroad. Ginastusan po ng magulang namin ang kasal. Noong nakapag-abroad iyong lalaki ay pinatayuan nila ng bahay iyong lupang pinamana sa ate ko.

Nagkaroon po ng affair ‘yong bayaw ko. Ngayon po gusto po ipagbili ng ate ko ‘yong lupa niya. Ang gusto ng asawa niya ay maghati sila sa pagbebentahan ng lupa at tinatakot po siya na ‘pag hindi sila naghati ay ikakalat ng asawa niya ‘yong mga video po na malalaswa na ginagawa nila noong hindi pa sila nagkakaroon ng ka-affair. Tapos ang dami pong pasa noon ng ate ko at mismong sa maraming tao pa po siya pinagbantaan na papatayin.

Ngayon po ‘yong mga anak po nila ay lima (apat na babae at isang lalaki) gusto po ng asawa niya ay sa kanya lahat ng bata. ‘Pag po kinuha raw ng ate ko lahat ng bata ay hindi niya susustentuhan. Attorney sana po matulungan niyo po kami.

Marami pong salamat. God bless po,

Maricris

Ms. Maricris,
Napatituluhan na ba sa ate mo ang lupa? Kung napatituluhan ito sa pangalan ng ate mo bago sila ikinasal ay maituturing ang lupa na parte ng kanilang absolute community of property at sila ay mahahati nang pantay sa nasabing lupa kung sakaling ibebenta ito at magkakaroon ng dissolution of property regime. Kung sakali naman na hindi pa napatituluhan ang lupa ay mananatiling ari-arian ito ng magulang mo at walang parte ang asawa niya kaya’t maaaring ibenta ito ng mga tagapagmana ng magulang mo.

Tungkol sa bahay naman ay maituturing na pag-aari nilang pareho ito dahil naipatayo ito noong nagsasama na sila kaya’t 50-50 ang hatiian dito. Ang custody ng mga bata ay hindi maiipipilit ng kahit sino sa. Sa edad ng mga anak ay papipiliin sila kung kanino sasama maliban lamang kung ang napili nila ay napatunayan na isang imoral at hindi magiging magandang ehemplo sa mga bata.

Kung hindi sila magkakasundo ay maaaring magsampa ng kaso ang ate mo sa korte upang maisaayos ang hatian nila sa ari-arian at pati ang custody ng mga bata. Tandaan na hindi maaaring ipanakot ng asawa niya ang paglabas ng malaswang video nila. Sa pananakot na ito ay maaari nang dumulog ang ate mo sa NBI Cybercrime Division para mahuli at mapakulong ang bayaw mo.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8922 0245/ 8514 2143 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.