Abante Tonite Interactive

Binaklas na campaign poster umabot ng 12 truck

244

Umabot sa 12 truck ang mga nabaklas na illegal campaign material sa Kamaynilaan sa unang araw pa lamang ng kampanya para sa May 2019 election.

Sa ulat, nakuha ang mga itinuturing na illegal poster at tarpaulin sa iba’t ibang lugar na wala sa itinakdang common poster area ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon sa ahensiya, bukod pa sa mga nakuhang materyal, may mga napaulat pa umanong hindi awtorisadong aktibidad ang naganap sa unang araw ng kampanya, tulad ng ilang lokal na kandidato na sumabay umano sa kampanya ng mga kandidato sa pagka-senador at mga party-list group, kahit pa sa Marso pa ang simula ng kanilang campaign period.

Samantala, nagbabala rin ang Comelec sa paggamit ng mga kandidato ng electronic billboard sa kanilang pangangampanya.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, bumubuo na sila ng mga regulasyon hinggil sa paggamit ng electronic billboard ng mga kandidato.

“Bumabalangkas pa lang kami ng rules para diyan kasi bago ‘yan eh. Dati ang pinapayagan natin ‘yung maliliit na parang electronic billboard na nasa loob ng building. Pero ‘yung nasa labas, ‘di pa ‘yan covered ng kahit anong rules sa ngayon. Sa mga gumagamit niyan, dahan-dahan lang tayo kasi maglalabas din tayo ng rules para diyan,” ani Jimenez.

Kaugnay nito, sinabi ni Jimenez na mahaharap sa diskuwalipkasyon ang mga pasaway na kandidatong mabibigo pa ring baklasin ang kanilang mga campaign material sa mga lugar na hindi kabilang sa mga common poster area.

Pero isasailalim naman muna aniya ang mga kandidato sa tamang proseso para matukoy kung totoong lumabag sila sa campaign rules.