Abante Tonite Interactive

Binalikan sa bahay ang apo Retired judge, misis nilamon ng apoy

319

Patay ang isang retiradong judge at misis nito habang nawawala ang kanilang 21-anyos na apong lalaki matapos tupukin ng apoy ang kanilang tahanan sa Mandaue City, Cebu kahapon ng madaling-araw na ikinasugat ng tatlong iba pa.

Kinilala ang nasawing mga biktima na sina dating Municipal Trial Court (MTC) Judge Gerardo Gestopa, 67, at misis nitong si Louella, 66-anyos.

Ang mag-asawa ay na-trap sa loob ng nasunog nilang tahanan sa Zamora St., Brgy. Centro, Mandaue City at halos hindi na makilala ang mga bangkay nang marekober ng mga arson investigator matapos maapula ang sunog.

Patuloy namang pinaghahanap ang 21-anyos na apo ng mag-asawang Gerick Gestopa na hindi pa batid kung nakaligtas o kasama ring natupok ng apoy.
Nasugatan naman at nagtamo ng mga paso sa katawan ang biktimang sina Besmark Lumapas, 38, nagtamo ng 1st degree burn; Ruby Buhawi, 45, at Kate Ramirez, 8.

Sa ulat, sinabi ni Sr. Fire Officer 1 Wendell Villanueva, ng Mandaue City Fire Marshal na naganap ang insidente alas-dos ng madaling-araw kung saan umabot ito sa 4th alarm.

Naapula ang sunog dakong alas-4:10 na ng madaling-araw.

Nabatid na ang sunog ay nagmula sa bahay ni Edwin Ermac, dating pinuno ng Mandaue City Traffic Office na mabilis na kumalat at tumupok sa kabahayang katabi nito kabilang na ang pag-aari ng retiradong hukom.

Sa imbestigasyon, nagawang makalabas ng mag-asawa sa nasusunog nilang tahanan pero binalikan ng mga ito ang kanilang apong si Gerick hanggang sa tuluyan na ang mga itong makulong sa apoy at masawi sa insidente.

Nabatid na aabot sa 15 kabahayan ang napinsala sa sunog habang nasa lima pa ang bahagyang nasunog.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP Mandaue hinggil sa nasabing insidente. (Edwin Balasa)