Abante Tonite Interactive

Binasurang beki VS Bagong GF

422

Nabulag ang isang dalagang-ina nang buhusan ng asido ng isang bakla na umano’y dating karelasyon ng kanyang nobyo nitong Lunes nang umaga sa Pasay City.

Inalalayan pa ng mga kamag-anak ng biktimang si Glory Cris Cuera, 27-anyos, dalaga, taga-No. 906 San Antonio St., Tondo, Maynila, nang magtungo kahapon sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police upang ireklamo ang dating karelasyon ng kanyang nobyo na nakilalang si Ramon Tolaba Jr., nasa hustong gulang, Block 67 Lot 18 Brozone Village 1, Barangay Halang, Naic, Cavite City.

Ayon kay Police Major Wilfredo Sangel, hepe ng SIDMB, alas-10:30 nang umaga ng Lunes nang maganap ang insidente sa ikaapat na palapag ng 3F Trade Center Mart, Two Shopping Center sa Taft Avenue Extension cor. Cuneta Avenue ng nasabing lungsod.

Sa salaysay ng biktima kay Police Col. Sangel, pinuntahan siya ng suspek sa kanyang pinagtratrabahuhan, kinausap at sinabi nito na mahal na mahal niya si Jhon Rey na nobyo ngayon ng biktima.

Naawa naman ang biktima sa nasabing suspek at niyakap pa niya ito dahil sa iyak nang iyak.

Makalipas ang minuto niyaya ng suspek ang biktima sa ikaapat na palapag ng nasabing mall at sinabi nitong isasauli niya ang gamit ni Jhon Rey na nasa kanya.

Pagdating sa nasabing lugar ay sabay na sinabuyan ng asido sa mata ng nasabing beki ang biktima.

Matapos ang insidente ay mabilis nang tumakas ang suspek habang ang dalaga ay agad namang isinugod sa Manila Doctors Hospital.

Kahapon ng alas-sais nang gabi ay nagtungo ang biktima sa tanggapan ng SIDMB na kung saan hindi na ito nakakakita.

“Sinira niya ang buhay ko, paano na ang mga anak ko, ako lamang ang naghahanap- buhay, kailangan pagbayarin ito ni Ramon. Kailangang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa akin” maiyak-iyak na pahayag ng biktima.

Nanawagan naman si Police Major Sangel na kung sinuman ang nakakilala at nakakita sa suspek na si Tolaba ay maaring i-report sa kanilang tanggapan upang panagutin ang ginawa sa biktima. (Armida Rico)