Abante Tonite Interactive

Binata na nagsabi ng ‘ingat’, sinaksak

417

Nalagay sa balag ng alanganin ang buhay ng isang binata makaraang hampasin ng baso sa ulo at saksakin ng kanyang kainuman, na nagalit matapos sabihan ng una na mag-ingat sa pag-uwi kamakalawa nang gabi sa Valenzuela City.

Ginagamot sa Valenzuela City Medical Center si Reggie Clamor­ Magcuha, 27, naninirahan sa Dulong Carnacion St., Brgy. Malinta. Bukod sa malalim na sugat sa ulo na tinahi, may mga sugat din ito sa katawan.

Kaagad namang nadakip ng mga tauhan ng Police Community Precinct 4 ang suspek na si Ricardo Sabay, 39, kalugar ng biktima, na ngayon ay nahaharap sa kasong frustrated murder.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-9:30 nang gabi ay nag-inuman pa sina Sabay at Magcuha, kasama ang iba pang kaibigan sa Dulong Carnacion St., Brgy. Malinta, Valenzuela City.

Makalipas ang ilang oras, nagkanya-kanya nang uwian ang magtropa at sinabihan sila ng biktima na mag-ingat sa pag-uwi bagay na minasama ng suspek at bigla na lamang kumuha ng baso at ipinalo sa ulo ng huli, na nabasag.

Hindi pa nasiyahan, isinaksak pa ni Sabay sa katawan ng biktima ang basag na baso. Naawat lang ang pagwawala ng una nang pumagitna na ang kanilang mga kainuman.

Pupuga na sana si Sabay ngunit duma­ting na ang mga pulis at pinosasan ito. (Orlan Linde)