Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Binata nag-video call sa GF saka nagbigti

0 57

Tinawagan muna ng isang lalaki ang kanyang kasintahan sa pamamagitan ng video call at nagpaalam bago nagbigti sa Quezon City, Miyerkoles ng hatinggabi.

Ang biktima ay 21-anyos na residente ng Brgy. Holy Spirit, QC.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-12:30 kahapon ng hatinggabi nang madiskubre ang nakabigting katawan ng biktima sa loob ng kanyang silid.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Angel Pascasio III ng CIDU, bago magbigti ang biktima ay kinontak muna umano niya ang kanyang nobya, nakausap sa pamamagitan ng video call at nagpaalam.

Dahil dito ay agad nag-text ang nobya sa ina ng nobyo, at sinabing puntahan nito ang anak dahil nagbanta itong magpapakamatay.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Agad namang pinuntahan ng nanay ang anak sa silid nito pero huli na ang lahat dahil bumungad na sa kanya ang nakabigting katawan ng huli.

Humingi ng saklolo ang ginang sa kanyang mister at pinagtulungan nilang ibaba ang katawan ng anak saka isinugod sa Gen. Malvar Hospital subalit idineklara na itong patay ni Dr. Niño Daffon.

Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima ng kanyang ina na umiinom ng alak bandang alas-11:30, kamakalawa ng gabi.

Samantala, may nilunsad na hotline para sa mga Pinoy na may katanungan tungkol sa mental health, kailangan ng counseling, may kinahaharap na suliranin o nanganganib na mag-suicide.

Puwedeng tawagan ang National Center for Mental Health 24/7 crisis hotlines sa cellphone (0917-899-8727) o telepono (7989-8727 o 1553). (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.