Abante Tonite Interactive

Binata natuluyan sa tatlong beses na tangkang pagtodas

287

Sa tatlong beses na pinagtangkaan ang buhay ng isang lalaki, kahapon nang madaling araw ay tuluyan na itong nasawi nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay sa isang motorsiklo sa Taguig City.

Tatlong tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa katawan ang ikinamatay ng biktimang si Lorvie Gonzaga, 28-anyos, binata, taga-No. 75 ML Quezon St., Barangay Wawa.

Sa ulat ng Taguig City Police, ala-1:00 nang madaling-araw nang maganap ang pamamaslang sa biktima sa Cadena de Amor St. Taguig City.

Mag-isang naglalakad ang biktima pauwi nang harangin ng isang motorsiklo sakay ang dalawang armadong lalaki.

Sunod-sunod na pinaputukan ang biktima hanggang sa duguang bumulagta.
Nang masigurong napatay ang biktima ay mabilis nang tumakas.

Isa sa mga anggulo na iniimbestigahan ng mga pulis ang kaugnayan sa iligal na droga.
Bukod dito, nasangkot rin umano ito sa love triangl­e. (Armida Rico)