Abante Tonite Interactive

Binata sinaksak ng 5 holdaper

0 417

Nasa malubhang kalagayan ngayon ang isang 34-anyos na lalaki matapos holdapin at pagsasaksakin ng limang holdaper makaraang pumalag ang biktima sa Taguig City kamakalawa nang gabi.

Nakaratay ngayon sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Jonathan Vitamog, binata, empleyado, taga-SSS Brigada Centennial Village, Western Bicutan Taguig City makaraang magtamo ng mga saksak sa katawan.

Sa report ng Taguig City Police, alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa C-5 Waterfun Bridge Underpass, Brgy. Western Bicutan.

Lumalabas sa imbestigasyon, habang naglalakad ang biktima sa nabanggit na lugar ay bigla na lang sumulpot ang limang kalalakihan. Ilan dito ay armado ng kutsilyo at sabay na nagdeklara ng hold-up.

Pumalag ang biktima dahilan upang saksakin ito at nang duguang bumulagta ay mabilis nang tumakas ang mga suspek. (Armida Rico)