Abante Tonite Interactive

Binata sinampal na, sinaksak pa

310

Agaw-buhay ang isang binata matapos pagsasaksakin ng lalaki na sumampal sa kanya sa basketball court sa Valenzuela City.

Inoobserbahan sa Valenzuela City Medical Center (VCMC) si Charlie Allan Fallore, 19-anyos, ng Sitio Bonbon, Lower Tibagan, Brgy. Ugong ng nasabing lungsod, sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nadamba sa follow-up operation ang suspek na si Micaelo Angelo Dizon, 23, ng Brgy. Gen. T. De Leon.

Sa pahayag ng mga dalawang saksi, naka­tambay sila sa Building 14, Disiplina Village, Brgy. Ugong dakong ala-1:20 nang mada­ling-araw nang biglang dumating ang suspek at biktima mula sa magkaibang direksiyon.

Pagdaka’y nilapitan ni Follore si Dizon at kinompronta dahil sa pagsampal sa kanya ng huli noong Mayo 3, 2019.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa sabihin ng biktima na “Antayin mo ko. Babalik ako.” Ilang minuto ang lumipas bumalik si Fallore at nagsuntukan ang dalawa.

Argabyado sa buntalan si Dizon kaya binunot nito ang dalang patalim at pinagsasaksak si Fallore. (Orlan Linde)