Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Binata tinodas ng hinarang na suspek sa pananaksak

0 62

Todas ang isang binata matapos na harangin ang tumatakas na lalaking nanaksak sa kanyang pinsan at sa kainuman nito sa kanilang lugar sa Barangay Sta. Lucia, Novaliches, Quezon City, kahapon ng hatinggabi.

Nakilala ang biktima na si Sofronio Chan Melchor, 23-anyos at isang construction worker.

Sugatan naman sina Julius Chong Tan, 43, may asawa, driver, at Danilo Leyson Barrina Jr., 20, binata, stock clerk. Pareho silang nilalapatan ng lunas sa Quezon City General Hospital.

Nakatakas naman ang suspek na kinilalang si Frenz Manuel Tan, nasa hustong gulang at residente rin sa nasabing lugar. Pinsan umano ito ng isa sa mga biktima na si Julius.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, bandang alas-12:00 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa Interior 19 sa Barangay Sta. Lucia.

Batay sa imbestigasyon ni Corporal Jerome Mendez, nag-iinuman sina Julius at Danilo kasama ang testigong si Vincent Llantos nang dumating ang suspek na si Frenz at sa hindi pa batid na dahilan ay hinamon ang pinsan niya na magduwelo sila sa kutsilyo.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Hindi pinatulan ni Julius ang pinsan at pinayuhan na umuwi na lamang sa kanilang bahay pero makalipas ang ilang minuto ay nagbalik ang suspek na armado ng patalim.

Nagulat na lamang ang tatlo nang saksakin ng suspek si Danilo kaya agad na umawat si Julius subalit inundayan rin siya ng patalim ng kanyang tila galit na galit na pinsan.

Tumakas ang suspek matapos na makitang parehong duguan na ang mga biktima pero hinabol siya ni Llantos habang humihingi ng saklolo.

Narinig naman ni Melchor na noon ay nakaistambay sa eskinita ang paghingi ng saklolo ni Llantos kaya nang papalapit na sa kanya ang suspek ay hinarang ito pero sinaksak din siya sa dibdib.

Agad na isinugod ni Llantos si Melchor sa Metro North Medical Center subalit binawian din ito ng buhay bandang alas-3:14 ng madaling araw, ayon kay Dr. Maribeth A Directo.

Tinutugis pa ng pulisya ang suspek habang iniimbestigahan din ang kaso. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.