Abante Tonite Interactive

Binatang musikero nagbigti sa Ilocos Norte

By
353

Dahil nagkahiwalay sila ng kanyang nobya, nagpatiwakal ang isang musikerong binata sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng kanyang kuwarto sa Badoc, Ilocos Norte noong Lunes ng gabi.

Kinilala ng Badoc Police Station (BPS) ang biktima na si Jerome Tolentino, 24-anyos, isang musician, ng Barangay 3, Alogoog sa nasabing bayan habang ang kanyang girlfriend ay si Crystal Segui, taga-Cabugao, Ilocos Sur.

Sa imbestigasyon, sinabi ng BPS na bago naganap ang insidente, umuwi ang biktima sa kanilang bahay na nakainom ng alak at sinabi sa kanyang nanay na matutulog na ito sa kanyang kuwarto.

Ilang minuto lamang nang katukin nito ang ­pintuan ng kanyang ­kuwarto para kumain ngunit walang sumasagot.

Dito, binuksan ng ina ang pintuan at laking gulat niya nang bumulaga sa kanyang paningin ang nakabitin na biktima gamit ang nylon cord na itinali sa bubungan ng kanyang kuwarto.

Agad itong dinala sa Badoc Rural Health Unit (BRHU) ngunit siya ay dead-on-arrival ayon sa medical expert.

Napag-alaman na sina Tolentino at Segui ay nag-away sa hindi malamang kadahilanan at naghiwalay ito, sanhi upang tapusin ang kanyang buhay.