Abante Tonite Interactive

Binatilyo nilamon ng buwaya sa Palawan

0 331

Patay ang isang 15-anyos na binatilyo matapos lapain diumano ng buwaya habang nangingisda sa Barangay Indalawan, Balabac, Palawan Linggo nang gabi.

Nagtutulungan sa ngayon ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard, PNP Maritime Group at mga opisyal ng barangay para mahanap ang bangkay ng biktima na nakilalang si Romilo Sappayani Miranda, grade 8 student ng Indalawan National High School at residente ng Brgy. Rabor sa nasabing bayan.

Sa ulat na ipinadala ni P/Col. Socrates Fataldo, tagapagsalita ng PNP Mimaropa, dakong alas-10:00 nang gabi ng mangisda ang biktima kasama ang kanyang tiyuhin at dalawang pinsan sa Sitio Bual, Brgy. Indalawan.

Makalipas ang ilang minuto napansin ni Ismael Sarmiento, isa sa kasama ng biktima na nangisda na palutang-lutang na ang flashlight nito at laking gulat pa niya ng makita ang isang malaking buwaya na palayo sa lugar habang sagpang ang katawan ng binatilyo.

Agad na sinabi ni Sarmiento sa mga kasamahan ang pangyayari kaya mabilis silang umahon upang hanapin ang biktima pero bigo sila na makita ito.

Nitong Lunes nang umaga lang nai-report ang pangyayari sa pulisya kaya nagsagawa ng search and retrieval operation ang mga awtoridad. (Edwin Balasa)