Abante Tonite Interactive

Binigyan ng cake ng namatay na biyenan

377

Dear Dream Catcher,

Ang asawa ko po ay nanaginip tungkol sa tatlo niyang mahal sa buhay na matagal nang patay. Sa panaginip niya ay binigyan daw ako ng cake, pagkain ng nanay niya. Ano ibig sabihin po ng panaginip ng asawa ko?

Sheryl

Sinabi mong tatlong mahal sa buhay na matagal nang patay ang napa­naginipan ng iyong asawa pero hindi mo naipaliwanag kung anong koneksyon ng mga yuma­ong ito sa iyong asawa. Tanging ang kanyang ina ang iyong binanggit kaya ang mabibigyan lamang ng interpretasyon ay ang panaginip tungkol sa ina.

Ang panaginip tungkol sa isang namatay na ina ay tungkol sa proteksyon at seguridad. Maaaring ang nanaginip ay may pinagdaraanang masalimuot na isyu sa kanyang aktuwal na buhay. Posible ring may gumugulo sa isip ng nanaginip kung saan pakiramdam niya ay kailangan niya ng proteksyon.

Bagama’t matagal nang patay ang ina ng iyong asawa, sa kanyang panaginip ay nakita niyang binibigyan ka ng kanyang ina ng cake at pagkain. Kung ito ay isang visitation dream–panaginip kung saan ang mensahe mismo ang ga­ling sa yumao–puwede mong ikonsiderang ang cake at pagkain na ibinigay ay maihahalintulad sa pagbibigay ng basbas o blessing ng kanyang ina sa inyong relasyon.

Nabanggit mo rin na ikaw ang bagong kinakasama o bagong asawa ng iyong mister at kung ang inyong relasyon ay talagang nagsisimula pa lamang, posibleng ito ang pinagdaraanang isyu ng iyong mister. At ang pagbibigay sa iyo ng cake ng kanyang ina ay puwedeng sabi­hing positibo. Ang cake ay pagkaing matamis at kadalasang inihahain lamang kapag merong okasyon.

Related Posts

Sa kabuuan, kailangan ding ikonsidera kung ang iyong mister ay naging sobrang malapit sa kanyang ina noong ito’y nabubuhay pa. Kung sobra silang close bilang mag-ina, puwede mong sabihing ibinigay ng kanyang ina ang boto niya o pagpabor sa iyo.

Ang iyong mister pa rin ang higit na makakapagbigay ng eksaktong interpretasyon sa kanyang panaginip dahil siya lamang ang makakatukoy sa mga sitwasyong at alalahaning kanyang pinagdaraanan.

Sa kabuuan ay posi­tibo para sa iyo ang napanaginip ng iyong mister dahil malinaw na hindi nagpakita ng galit sa iyo ang kanyang ina.

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang espirit­wal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.