Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Biniling P700M Sinovac vaccine ituturok sa mga may sakit

0 424

Gagamitin ng gobyerno ang dumating na isang milyong dose ng bakunang gawa ng Sinovac para maturukan ang mga kababayang may sakit na tinuturing na ‘high risk’ sa COVID-19.

Sa isang pahayag matapos dumating ang naturang COVID-19 bakuna na kauna-unahang nabili ng bansa, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na “very timely” ang pagdating ng Sinovac vaccine dahil patapos na ang pagbakuna sa mga health care frontliner kaya magagamit ito para sa susunod na mga tuturukan.

“We will be able to use this new batch of purchased CoronaVac vaccines to extend vaccination to vulnerable Filipinos or those—with pre-existing conditions and comorbidities—who are at most risk of severe COVID-19 and highest chance of dying,” ayon kay Duque.

Sinalubong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdating sa bansa ng isang milyong CoronaVac na binili ng gobyerno mula sa Sinovac Biotech.

Ito ang kauna-unahang bakuna na binili ng gobyerno mula sa Sinovac na inaasahang magpapalakas sa vaccination program laban sa COVID-19.

Ang mga naunang supply ng Sinovac ay donasyon ng China sa Pilipinas na siyang ginamit para masimulan ang pagbabakuna sa bansa noong unang linggo ng Marso.

Dahil mayroong umiiral na enhanced community quarantine (ECQ), limitado lamang ang mga opisyal na kasama ng Pangulo sa pagsalubong sa mga bakuna dahil mahigpit na ipinagbabawal ang maramihang pagsasama-sama ng mga tao.

Matapos ang seremonya ay agad na bumalik ang Pangulo sa Malacañang at hindi na ito nagbigay ng kanyang talumpati.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang biniling bakuna ay nagkakahalaga ng P700 milyon.

Aniya, hindi maaaring gamitin ang Sinovac sa mga senior citizen pero ang bulto ng bakuna ay dadalhin sa Cebu at Davao City para sa mga medical health worker na hindi pa tapos mabakunahan.

“Hindi po pupuwede sa senior citizens. Ang bulto po nito ay gagamitin sa health professionals at saka doon po sa may comorbidities,” ani Roque. (Aileen Taliping/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.