Abante Tonite Interactive

Biniyahe sa Parañaque jail

304

Nag-amok na ex-Bulacan Vice Mayor problemado sa utang kay Atong Ang

Mula sa detention cell ng Bulacan Police, inilipat na sa Parañaque City Jail ang dating­ Vice Mayor ng Marilao, Bulacan matapos makakuha ng commitment order ang Bulacan Provincial Police Office sa Parañaque Regional Trial Court (RTC) kahapon nang umaga.

Ang bise alkalde ay nakulong matapos kasuhan ng negosyanteng si Atong Ang dahil sa umano’y pagkakautang nito ng P10 milyon

Bandang alas-11:00 ng umaga nang mailipat sa Parañaque City Jail ang dating Bise Alkalde na si Andre Santos kung saan naging emosyonal ang pamilya nito.

Nangangamba ang pamilya ni Santos na itumba ito ng mga kapwa niya preso.

Kahapon ay naglabas ng kautusan si Parañaque RTC Judge Aida Estrella Macapagal-Fojas ng Branch 195 ng commitment order laban kay Santos na ilipat na ito sa Parañaque City Jail.

Magugunitang noong Dis­yembre 7, 2018 nagkulong ng ilang oras si Santos sa kaniyang bahay ng sisilbihan ng warrant of arrest ng PNP Bulacan matapos sampahan ng kaso ni Atong Ang ng qualified theft sa Parañaque RTC dahil sa pagkakautang nito ng milyon-milyon.

Nang dadamputin na si Santos ng mga pulis ay tumakbo ito sa kanyang bahay at nagkulong habang hawak-hawak nito ang granada at baril.

Subalit wala ring nagawa si Santos kundi sumuko sa mga awtoridad kinabukasan matapos siyang magkulong ng higit 20-oras sa sariling bahay sa Bulacan.

Iginiit naman ni Santos na wala siyang pagkakautang kay Ang dahil natalo lamang daw siya sa sugal sa casino.
Sa ngayon ay bantay-sarado sa mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Santos habang ito ay nakakulong sa nasabing piitan.