Abante Tonite Interactive

Bintana ng LRT binasag ng pasahero, 2 nadale

348

Nagkaroon ng tensiyon sa loob ng isang bagon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) nang masugatan ang dalawang pasahero matapos matalsikan ng mga bubog makaraang basagin ng kapwa nila pasahero ang bintana ng sinasak­yang bagon habang nasa United Nations (UN) station kahapon sa Maynila.

Sinabi ni Sweeden Ramirez, taga­pagsalita ng LRT-1, na itinurn-over na nila sa tanggapan ng Manila Police District (MPD) ang ‘di pa pinangalanang pasahero upang maisailalim sa imbestigasyon.

Ang dalawa namang pasaherong nagtamo ng mga minor injury ay nilapatan na ng lunas ng mga tauhan ng Philippine Red Cross (PRC).

Naganap umano ang insidente, ala-1:50 nang hapon sa UN Station.

Nalaman na uminit umano ang bagon at nais ng pasahero na buksan ang pintuan ng tren habang umaandar. Nang hindi nito mabuksan ay pinagbalingan nitong sapilitang buksan ang bintana na ikinabasag nito.

Sanhi nito tumilamsik ang mga bubog na ikinasugat ng dalawang pasahero.
Bahagya namang naantala ang biyahe ng LRT pero kaagad din naman itong naibalik sa normal.

Ipinagtataka nila kung ano ang dahilan ng ‘di pa nakikilalang pasahero kung bakit nito pinilit na buksan ang pinto at bintana habang umaandar gayong may aircon naman sa loob.

Sa ngayon ay hinihintay pa nila ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon. (Juliet de Loza-Cudia)