Abante Tonite Interactive

Bintang na EJK vs Pres Duterte,napasubalian sa Maynila batang maynila

531

Sa isang ambush interview, may mga nakapagtanong sa inyong lingkod kung bakit sa tuwing may ipiniprisinta akong mga drug suspects ay parati kong binibigyang-diin na ‘buhay’ lahat ang mga ito.

Ganito kasi ‘yan. Mula pa noon hanggang nga­yon, walang humpay ang pambabatikos ng mga nasa kabilang bakod ng politika laban sa ‘drug war’ ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasabay niyan ay wala ring humpay ang pagbibintang na ang mga kapulisang nagpapatupad ng kampanya laban sa iligal na droga ay nagsasagawa ng tinatawag na ‘extrajudicial killings (EJKs)’ sa kanilang mga operations.

Abante Hiring – IT dep

Sa unang araw pa lamang ng aking pag-upo bilang bagong alkalde ng Maynila at maging sa aking kauna-unahang command conference kasama ang mga opis­yal at miyembro ng Manila Police sa pamumuno ni District Director Gen. Vicente Danao, Jr., niliwanag ko ang direksyong tatahakin ng aking administrasyon pagdating sa iligal na droga at ‘yan ay ang buong-buong suporta sa ‘war on drugs’ ni Pangulong Duterte, gayundin sa lahat ng pahayag niya na maituturing bilang government policy.

Ngayon, sa dami ng drug suspects na naaaresto ng MPD at akin namang ipiniprisinta sa publiko sa pamamagitan ng aking mga press conference, binibigyang-diin ko na nariyan sa inyong harapan ang mga nahuli ng kapulisan na sangkot sa iligal na droga. Lahat sila ay buhay na buhay at isa itong malinaw at solidong patunay na nirerespeto ng pulisya ang karapatang pantao ng mga suspects at walang malawakang EJK na nagaganap, gaya ng ibinibintang ng mga kalaban ni Pangulong Duterte.

Pinatutunayan lamang ng aking mga piniprisintang drug suspects na pawang paninira, kasinungalingan at walang pruweba ang animo’y sirang plakang bintang na EJK sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Heto naman ang sa akin. Habang pina­ngangalagaan ng pulisya ang karapatang pantao maging ng mga drug suspects, mahigpit din ang aking tagubilin sa mga miyembro ng MPD na protektahan ang kanilang buhay at sarili lalo na sa mga pagkakataon kung saan ang mga drug suspects ay mas pinipili pang makipagbarilan kesa maaresto at makulong.

Nu’ng araw sa Tondo, ‘pag ang tolongges o kriminal doon nakakapatay ng pulis, nagkakabalbon sa dibdib. Ikinukuwento pa sa kapitbahay kasi gusto sumikat. Kaya pinagbibilinan ko rin ang mga miyembro ng pulisya na ingatan ang kanilang kaligtasan kasi, meron din silang karapatan.

Tao lang din ang mga kapulisan na may karapatang protekta­han ang kanilang buhay. May mga nagmamahal din sa kanila na mauulila kung may masamang mangyari sa kanila. Ayoko sa lahat ‘yung may mga pulis tayong masasawi higit lalo na sa kamay ng mga drug suspects o pushers na ayaw sumunod sa batas.

Ang hirap lang, kapag suspect ang natotodas sa operation, EJK kaagad. Pero kapag pulis ang nadadale, walang kumikibo.

Sa ganang akin, ang karapatan ng suspect at ng mga miyembro ng law enforcement units ay pareho lamang.

Maaari ninyong malaman ang mga kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagsunod sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account, ‘Isko Moreno Domagoso’.