Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Binuking ni Digong: `Bato ninerbiyos sa tokhang’

0 108

Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ninerbiyos si Senator Ronald `Bato’ dela Rosa matapos na isama ito sa mga kinasuhan sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng paratang na extrajudicial killing sa bansa dahil sa giyera kontra iligal na droga.

Sa kanyang pagdalo sa joint meeting ng National Task Force-Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-RTF ELCAC) sa Lucena City kahapon, isa sa iniulat sa Pangulo ang mga barangay sa lalawigan ng Quezon na drug-free na dahil sa pinaigting na kampanya laban sa droga.

Sinabi ng Pangulo na wala siyang itinatago sa kanyang `war on drugs’ at sagot niya ang mga taong nagpatupad ng kampanya laban sa iligal na droga.

Binanggit ni Pangulong Duterte si Dela Rosa na siyang unang Philippine National Police (PNP) chief nang simulant ang giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.

“Si Bato nanerbiyos kasi kasali siya doon sa tokhang niya. Sabi ko huwag siyang mag-alala, if there is any person who is going to prison it would be me,” sabi ng Pangulo.

Noong Setyembre opisyal nang inutos ng ICC ang pag-iimbestiga sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.

Binigyang-diin ng Pangulo na sagot niya ang lahat ng responsibilidad sa ipinatupad na mga anti-drug operation sa bansa.

“Ang sabi ko kay Bato, `wag kang mag ano… Keep quiet there and turo mo ako. Si Duterte ang nag-utos. Kung ano man `yang nasa listahan mo, utos ni Duterte `yan, and I will answer for all. `Yan ang sinabi ko noon and it will continue until the end of my term,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.