Abante Tonite Interactive

Binulungan ng demonyo: Angkas sinakyod ang rider

381

Nasawi ang isang 50-anyos na caretaker nang baunan ng kutsilyo ng kapitbahay nito habang angkas sa motorsiklo na umano’y ‘binulungan ng demomyo’ na gawin ito sa Alfonso, Cavite.

Namatay habang ginagamot sa Poblete Hospital ang biktimang si Ricky Arjente, may-asawa, ng Brgy. Buck Estate, Alfonso Cavite dahil sa saksak sa katawan.

Naaresto naman ang suspek na si Adrian Anonuevo, 27, isa ring Caretaker at kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ni P/MSgt. Dante Baje ng Alfonso Municipal Police Station Police, alas-6:10 kamakalawa ng hapon nang naganap ang insidente sa Rodeo Subd., Brgy. Buck Estate, Alfonso, Cavite.

Sakay ang biktima ng kanyang hiniram na motorisklo nang parahin ng suspek at nakiusap na sumabay papunta sa kanyang kubo.

Pumayag naman ang biktima subalit nang nakalayo ng 800 metro pa lamang ay biglang naglabas ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang biktima dahilan upang magpagewang-gewang ang mga ito at kapwa bumagsak sa semento.

Hindi pa nakuntento, muling inundayan ng saksak ng suspek ang biktima bago tuluyang tumakas.

Nang madakip, sa presinto ay idinahilan ng suspek na tila may bumulong sa kanya na saksakin ang biktima.

Nabatid din sa mga residente na wala silang alam na may atraso ang biktima sa suspek at hindi rin sila magkagalit.

(Gene Adsuara)