Abante Tonite
Mabilis sa Balita

BIR `papatayin’ mga private school

0 481

Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na kailangang bawiin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kautusan nito na nagpapataw ng 25% corporate income tax sa mga private school.

Ayon kay Recto, mali ang interpretasyon ng BIR sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act sa pagpapataw ng buwis sa mga pribadong eskuwelahan.

“`Yong title pa lang ng batas, malinaw na kung ano ang intensyon nito: corporate recovery and tax incentives,” sabi ni Recto

“So how can the BIR invoke it to inflict a 150 percent increase on the income tax of private schools, which is directly opposite to what the law clearly intends?” tanong ng senador.

Binigyang-diin nito na ipinasa ang CREATE Act para saklolohan ang mga “distressed” na pribadong eskuwelahan na kabaliktaran naman aniya sa kautusan ng BIR.

“The BIR order further drowns them in a sea of red ink,” ani Recto.

SM food to go Banner Ad

COCOPOEA nagbabala

Samantala, nagbabala ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) sa pagtataas ng buwis sa mga pribadong eskuwelahan na posibleng maglubog sa mga ito.

Ayon kay Atty. Joseph Noel Estrada, managing director ng COCOPEA, magtataas ng 10 hanggang 25 porsiyento sa buwis ang BIR para sa mga pribadong eskuwelahan base sa Revenue Regulation 5-2021.

“Hindi pa kami nagbibilang pero talagang nangangamba na malawakan ang effect nito. Marami talaga ang mapipilitang magsara,” ayon kay Estrada.

Paliwanag ni Estrada na halos karamihan ng mga pribadong eskuwelahan ay bumagsak na ang kita dahil sa pandemya at napilitan pang magsara.

Base umano sa datos ng Department of Education (DepEd) noong Setyembre 2020, mahigit 800 pribadong eskuwelahan ang nagsara na dahil sa pandemya. Posibleng madagdagan pa umano ito ngayong 2021 dahil na rin sa ipapataw na buwis ng BIR. (Dindo Matining/Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.