Abante Tonite Interactive

Birthday boy hinoldap, dinedbol

210

Hustisya ang hiling ngayon ng pamilya ng isang motorcycle­ transport rider makaraang holda­pin ito, pagbabarilin hanggang sa mapatay ng dalawang hindi pa nakikilalang mga holdaper sa mismong araw ng kanyang kaawaran sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Sa panayam sa telepono kay Police Lt. Col. Ferdie Del Rosario, Assistant Chief of Police for Admi­nistration ng Caloocan Police Station, dead-on-arrival sa Jose Rodriguez Hospital si John Paul Sargento, 25, taga-Zabarte Subdivision, Novaliches, Quezon City.

May tama ito ng bala sa ulo at katawan mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Kuwento ng security guard na si Vincent Aniceto, alas-6:30 ng umaga, umaalingawngaw na mga putok ng baril ang kanyang narinig sa harap ng MRT7 Depo Gate, Brgy. 163, Caloocan City, malapit sa kanyang binabanta­yang establisimyento.

“Inalam ko kung saan galing ang mga putok at nakita ko na may lalaking nakahandusay at duguan,” sabi ni Aniceto.

Sa inisiyal na imbestigasyon tinutukan daw ng baril ng dalawang lalaki si Sargento at hinoldap.

Posibleng nanlaban si Sargento at tumangging ibigay ang kanyang kinita kaya binaril ito.

Inagaw din ng mga holdaper ang motorsiklo ng biktima na siyang ginamit ng mga una sa pagtakas.

Dating seaman si Sargento at sideline lang niya ang pamamasada habang hinihintay ang muli nitong pagsampa sa barko. (Orlan Linde)