Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Birthday ni Tata Usteng

0 115

Ilang beses nang na-feature sa telebisyon ang aming mahal na patron sa bayan ng Tanza, lalawigan ng Cavite na si San Agustin o mas kilala sa tawag na ‘Tata Usteng’.

Dinarayo ng mga deboto mula iba’t ibang panig ng bansa maging sa ibayong dagat ang kapistahan niya tuwing Agosto 28.

Pero di gaya ng nakagawian, naging payak at tahimik ang selebrasyon ngayong taon dahil sa pandemya.

Ngayong Biyernes, gugunitain naman ng mga deboto ang ika-1666 birthday ni Tata Usteng.

Hindi na mabilang ang mga himala at pagpapakita ng patron hindi lang dito sa aming bayan kundi maging sa ibang mga lugar dito sa Cavite.

Ilan sa mga ito ang pagpapakita niya umano sa isang puno ng saging. Nagkorteng Tata Usteng ang naturang puno. Ayon sa kuwento, mga bata raw ang unang nakapansin sa himalang ito ni San Agustin.

Hindi rin malilimutan ang nabuong wangis ni Tata Usteng nang mabasa ang bahagi ng pader sa simbahan sa Barangay Julugan sa kasagsagan ng malakas na ulan.

Ayon din sa ilang mga akda, ang imahe raw ni Tata Usteng dito sa Tanza ay may emosyon.

Kung nasa magandang mood ang imahe ni Tata Usteng, kaya na siyang buhatin ng isa hanggang dalawang tao. Pero kung wala raw ito sa mood, sobrang bigat ng imahe nito na kahit anim na tao’y mahihirapan siyang buhatin.

Nakalata rin sa simbahan ng Tanza ang pagpaparusa umano ni Tata Usteng sa isang sakristan noong 1800s.

Nalalapit na raw kasi ang Kapistahan ni San Agustin noon nang pabirong sinabi ng sakristan na bakit hindi pa raw mag-ahit ng balbas ang santo.

Pagkasabing pagkasabi niya nito ay hindi na siya makaalis sa kanyang kinatatayuan at animo’y nakadikit na siya sa sahig.

Mabuti na lang at nagdasal ang pari noon na si Fr. Juan Lazaro de Mendoza na patawarin ang sakristan.

Malapit din si Tata Usteng sa mga magsasaka ng aming bayan.

Kung kailangan ng mga magsasaka ng ulan para sa kanilang mga pananim lalo na kung tagtuyot,

inilalabas at ikinakarakol nila si Tata Usteng.

Himala namang bago pa pumasok ang karakol sa simbahan ay umuulan na.

Ang sa akin lang, maging ehemplo nawa para sa atin ang mga kabutihan at magagandang gawi ng mga santo para manatiling matatag ang ating debosyon sa Panginoon. Muli ang aking pagbati sa mapaghimalang patron na si San Agustin! (with reports from Jhan Ferdie Llagas and Joemar Salvador)

Leave A Reply

Your email address will not be published.