Abante Tonite Interactive

Bisita binaril ng pulis sa binyagan

348

Nasawi ang isang lalaki matapos barilin ng isang pulis-Quezon City na nakaalitan nito sa gitna ng selebrasyon ng binyagan kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Hindi na naisalba ng mga doktor sa Ospital ng Tondo­ ang biktimang si Elmer Badua­ y Madrid, residente ng No. 3145 Interior 53 Pilar St., Tondo, Maynila dahil sa tama ng bala sa dibdib.

Pinaghahanap naman ang suspek na si PSSg. Manuel Lopez Asuncion, 34, naka­talaga sa Police Station 1, ng Quezon Police District (QCPD) at taga-980 Morong St., Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni PCpl. Allan Lingcong, ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente alas-7:30 ng gabi nitong Linggo sa harap ng bahay ng suspek kung saan idinaraos ang inuman kaugnay sa naganap na pagbibinyag sa anak nito.

Sa gitna ng kasiyahan ay biglang nagkainitan ang biktima at suspek na nauwi sa pagbubuno hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at ipinutok sa biktima.

Bumulagta ang biktima habang tumakas naman ang suspek. (Juliet de Loza-Cudia)