Abante Tonite Interactive

Bisitahin ninyo ang bagong fountain sa Bonifacio Shrine

292

Isa na namang kaganapan na dati ay pangarap lamang ang natupad sa Maynila nitong nakalipas na linggo.

Buong pagmamalaki at kasiyahan kong pinasina­yaan at binuksan sa publi­ko ang isang panibagong atraksyon na maaaring puntahan ng mga turista at maging mga sarili na­ting mamamayan, kasama ang kanilang mga kaibi­gan, pamilya at mga ­mahal sa buhay, nang walang ­kailangang gastusin.

Ito ay ang bagong fountain na matatagpuan sa harap ng ngayon ay sikat na ring Bonifacio Shrine sa tabi mismo ng Manila City Hall.

Maraming salamat sa PLDT/Smart, Maynilad at Meralco. Dahil sa kanilang tulong, ang proyektong ito na tinrabaho namin ng matagal na panahon ni city engineer Armand Andres ay natapos na rin at maganda ang kinalabasan.

Natutuwa rin ang inyong lingkod na natapos ang fountain sa aming itinakdang deadline at ito ay upang magsilbi ito bilang isang libreng destinasyon para sa pagdiriwang ng Valentine’s Day, matapos na mapasinayaan dalawang araw bago ang Pebrero14.

Mahal ang nasabing fountain pero tinitiyak ko na walang ginastos dito ang pamahalaang lokal ni singkong duling.

Gaya ng lagi kong sinasabi, ‘laway-laway lang ang puhunan todits’. Bagama’t gumugol tayo ng malaking pagod at panahon at pakikipag-usap sa maraming tao, sulit naman talaga at hindi sapat ang ordinaryong pasasalamat sa mga tumulong sa pamahalaang lokal para magtagumpay ang proyekto.

Balik tayo sa fountain. Ang high-tech, interactive, colorful, musical, dancing fountain na ito na matatagpuan sa malaking espasyo sa harapan ng Bonifacio Shrine ay mayroong mga kakaibang katangian o unique features.

Sa umaga, ang buong lugar ay patag na maaa­ring lakaran at pagdating ng gabi, ito ay ­nagiging fountain site kung saan makikita ang mga makukulay na water jets na sumisirit paitaas habang sumasabay sa mga pangsayaw na Filipino ­musical hits. Ang center jet mismo ay umaabot sa taas na 20 feet o seven meters ang pagsirit at sa itaas gamit ang drone, makikita na bumubuo ng Philippine flag ang mga ilaw at ­tubig.

Sinasabayan ng bagong fountain ang magagandang pagbabago sa Bonifacio Shrine, na sa kasalukuyan ay isa nang paboritong puntahan ng mga mamamasyal o gusto lamang magpalipas ng oras.

Kung tutuusin, wala tayong gaanong ginawa. Ibinalik lamang natin ang itsura ng lugar sa kung ano ang nararapat at iyan ay ang pagiging malinis at makasaysayang lugar na karapat-dapat na maging tahanan ng monumento ng ating mahal at pinagpipitaganang bayani na si Gat Andres Bonifacio.

Mula sa dating ma­rumi at mabahong lugar na naging lugar ng mga illegal vendor, vagrant at drug session dahilan kung bakit ang buong lugar ay napuno ng mga ebak at ihi at natawag na ‘tae-tae island’, ang ating tanging ginawa ay linisin ito nang todo, alisin ang lahat ng mga nakatambak doon gaya ng mga barong-barong at ibalik ito sa taumbayan.

Kalaunan, ating pinai­lawan ang buong lugar, nilagyan ang mga puno ng simpleng puting ilaw na nasa loob ng capiz, nagpagawa tayo ng mga upuang bato at nagpalagay ng Wi-Fi na ngayon ay ginagamit ng mga bumibisita roon nang libre.

Ngayong nariyan na ang bagong fountain, mayroon nang bago at karagdagang dahilan ang publiko, lalo na ang mga taga-Maynila, para bumisita sa Bonifacio Shrine.

Nang aming testingin ang fountain, isang bata ang nanonood. Nang makita nang naglabasan ang makukulay na water jets, napasigaw ang bata ng: “Áng ganda!”

‘Yung ngiti nito na abot magkabilang tenga at kasiyahan sa mukha ay talaga namang priceless. Ang kaligayahan at pagkakuntento na dala nito sa ating kalooban, ang pagdadala ng kasiyahan sa kapwa habang nagbibigay ng serbisyo publiko ay isang bagay na hindi mabibili ng kahit anong halaga ng salapi.

Hindi ko kailangan na pasalamatan ng tao. Ang tangi kong hiling sa kanila ay ibalik ang pabor sa pamamagitan ng pagpa­panatili ng kaayusan at kalinisan sa nasabing lugar at kahit saang dako ng Maynila sa lahat ng oras.

­Paminsan-minsan, ­tinitignan ko ang ­Bonifacio Shrine at inoobserbahan ang mga kaganapan doon. Sa unang pagkakataon makalipas ang anim na taon ay nakikita ko ang mga mananakay na nakapila at organisadong sumasakay ng jeep. Ito ay isa nang malaking achievement para sa akin.

May dala itong sense of gratification sa inyong lingkod dahil nangangahulugan ito na ang ating walang humpay na kampanya sa pagbalik sa mga basics of governance gaya ng kaayusan at kalinisan, ay tumitimo na sa mga ordinaryong mamamayan ng lungsod. Ako ay umaasa na makahawa ang ganitong kaugalian hanggang sa bawat sulok ng Maynila ay nakikiisa na sa ating panawagan.

Gawin natin ito, kung hindi man para sa ating sarili, para man lamang sa ating mga susunod na salinlahi.

Ating ipamana at itanim sa kaisipan ng ating kabataan ang ­kahalagahan ng kalinisan at kaayusan sa lahat ng ating ginagawa sa lahat ng oras.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!

***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.