Abante Tonite Interactive

Bistek sinisi ang socmed sa magulong class suspension

By
0 639

Aminado si Quezon City Ma­yor Herbert ‘Bistek’ Bautista na dahil sa pressure sa social media ay napipilitan ang mga alkalde na magkansela ng klase tuwing may pag-uulan.

Ayon kay Bautista bagama’t naka-monitor sila sa sitwasyon at sa update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) tuwing may pag-uulan at bagyo ay ang sunod-sunod na komento at post ng mga netizen sa social media ay nagiging ma­laking factor para mapilitan na nilang kanselahin ang klase.

“Ang nangyayari ngayon, ‘yung mga mamamayan dahil may social media accounts sila, ipo-post na nila ‘yun. O mayor, ano ba naman, tutulog tulog, wala nang pasok, di kami waterproof, mga ganun ano.Ang mangyayari ngayon diyan, kahit sinasabi ng PAGASA na there is no need to cancel school, eh napu-puwersa nga­yon na magdeklara ng walang pasok,” paliwanag ni Bautista.

Aniya kapag may nagdeklara na na isang lungsod na walang pasok ay nagkakaroon na din ng domino effect na inaasahan ng iba na wala na ding klase sa ibang lugar.

“Nagiging snowball siya eh, iba-iba ang kundisyon ng bawat cities eh” pahayag ni Bautista na aminadong nagiging useless ang rekomendasyon ng mga Local Government Employees na nakabantay sa bagyo dahil sa social pressure.

“High tech na ‘yung mga equipment ng Metro Manila eh, ‘yung mga lokal na pamahalaan. Makati, Pasig, mga outstanding, mga winners ‘yan eh ng mga DRRM (disaster risk reduction and management) awards. ‘Yung mga tao dun, eh magaga­ling din kasi super trained na rin sila pero nade-demoralize sila kasi scientific lang ‘yung advise nila sa mayor. Pero napupwersa silang magdeklara ng walang pasok not because of the scientific findings or recommendations ng LDRRMC, kundi dahil sa social pressure dahil sa social media,” dagdag pa nito.

Hirit ni Bautista, dapat na talagang liwanagin ang panuntunan sa pagkansela ng klase upang siyang maging gabay ng mga mayor, aniya pa, nasa mga alkalde pa din ang desisyon sa pagkansela ng klase subalit ang kanilang desisyon ay dapat nakabas­e sa isang polisiya na syang susundin ng lahat.