Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bitin, bigo sa isang Pinoy resto

0 86

Mula sa isang maliit na kainan sa Cebu, lumawak na sa mahigit 100 restaurants ang Kuya J.

Binili ng iKitchen Inc. ang negosyo mula sa isang nagngangalang Jay sa Cebu na nag-migrate sa Canada. Ang buong akala ko nga, kay Jericho Rosales ang negosyo, yun pala, endorser lang siya.

Dahil Filipino food ang nasa menu, naisipan naming dito ayain ang nagbalikbayan naming kaklase mula sa Portland, Oregon.

Excited si Melissa Domingo-Sy,na may-ari ng caregiving home facility sa Amerika, dahil nasabik siya sa pagkaing Pilipino. Ang una niyang inorder pagdating namin sa Megamall ay ang bulalo. Pero wala raw available dahil hindi pa dumarating ang kanilang supply. Pinalitan na lang namin ito ng beef tadyang sinigang.

Gusto rin ni Melissa ng lumpia presko o fresh lumpia na ipinagmamalaki ng restaurant na mayroong ginisang laman ng alimango at bamboo shoots. Pero nabigo na naman siya dahil wala rin daw no’n.

Umorder din siya ng pork at chicken sisig, pero ganoon pa rin. Wala!

Gusto ko na tuloy kumanta ng Ordertaker ng Parokya ni Edgar: “meron ngang menu! Wala namang ma-order, oh waiter!”
Mabuti na lang at mayroong grilled scallops, sizzling tofu, ensalada, pansit palabok, sotanghon guisado at halo-halo.

Masarap naman ang scallops at ensalada at maging ang beef sinigang tadyang. Gayundin ang sizzling tofu, pero parang puro mayonnaise at walang tinadtad na bell peppers. Maayos lang ang palabok pero nakulangan ako sa laman. Isang malaking disappointment ang sotanghon guisado dahil may pagka-malagkit at tuyo. Inasahan namin na may konting sabaw o sauce ito kahit paano.

Akala ko, kami lang ang nagreklamo sa tagal ng pagsisilbi pero may iba rin palang hindi maganda ang naging karanasan tulad ni Cecille Data na kumain naman kasama ang pamilya sa Kuya J SM Marikina. Ayon sa kanya, “we ordered 5 different dishes, nang dumating yung 2 dishes tapos na kaming kumain.”

Sana ay magkaroon ng improvement sa Kuya J Restaurant lalo na at nagdadatingan muli ang mga kababayan natin abroad at mga dayuhang turista na ang hanap ay mga lutong Pilipino. Matuto rin sana ang iba pang mga kainang Pinoy. Malaking bahagi kasi ang restaurant experience sa babaunin ng mga bisita natin paguwi sa kanilang mga bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.